Home OPINION OMB MOTU PROPRIO INVESTIGATION SA REBELASYON NG 18 MARINES PROBE

OMB MOTU PROPRIO INVESTIGATION SA REBELASYON NG 18 MARINES PROBE

2
0

HINDI lang isa o dalawa kundi lampas sa bilang ng mga daliri ang bilang ng mga mambabatas na idinawit sa male-maletang kikbak kaugnay ng flood control scam ng 18 Marines at sundalo sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Hunyo 4 sa Senado.

Bukod sa mga kongresman, may mga senador din at kahit ang First Family na idinamay at iba pa, gaya ni dating Senador Antonio Trillanes at Fr. Flavie Villanueva.

Kung matatandaan, hindi gaanong pinansin mismo ni Ombudsman Boying Remulla ang isinampang kaso ng mga sundalo, kasama ang abogado nila si Atty. Levito Baligod, dahil hindi umano pupwedeng grupong affidavit ang isusumite ng mga sundalo.

Maliwanag na dapat indibidwal ang mga sinumpaang salaysay na naglalaman ng mga personal na kaalaman, karanasan at gawa ng mga sundalo.

Kung may grupo man, dapat may malinaw na may personal na kaalaman, karanasan at gawa pa rin ng mga indibidwal sa grupong gawain gaya, halimbawa, ng pagiging tsuper, tagabilang ng kuwarta at taga-deliber ng male-maleta sa mga isinasangkot sa kikbakan.

Sa naganap na imbestigasyon nina SBRC subcommittee chairman Dante Marcoleta na sinamahan nina Sen. Imee Marcos, SBRC chairman Pia Cayetano, Senate President Alan Peter Cayetano at iba pang mga senador, lumitaw ang mga indibidwal na personal na kaalaman, karanasan at ginawa ng mga sundalo sa pagdedeliber ng male-maletang salapi sa mga isinangkot nilang mangingikbak.

Sa ngayon, may kontrobersya sa ligalidad ng ginawang imbestigasyon dahil sa agawan ng kapangyarihan sa liderato ng Senado.

Ngunit may napakaimportanteng bagay na dapat gawin ng Ombudsman, bilang tungkulin nito sa gawain nito laban sa kurakutan o pang-aabuso sa kapangyarihan.

Walang iba kundi ang pagpapairal ng ‘motu proprio’ na imbestigasyon kahit usok lang ang lumilitaw sa mga nabanggit na krimen.

Maasahan ba natin ang Ombudsman, motu proprio, na mag-imbestiga at magsampa ng kinauukulang kaso sa Sandiganbayan kung positibo ang imbestigasyon nito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here