HINDI bumibitiw ang Lupa’t Langit sa pagsubaybay sa mga nagaganap sa paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte at gusto nating manatiling obhetibo, patas at walang kinikilingan.
Ngunit may nagiging kapansin-pansin para sa iba at sa media, na sa hanay ng ilang senator-judge (SJ) — may sariling paniniwala at hindi na magbabago pang paninindigan patungo, lalo na sa pagdedeklarang guilty ni VP Sara na ikasisibak nito sa pwesto at maaaring masundan ng mga kasong gaya ng plunder na walang piyansa at may parusang 20-40 taong pagkakulong.
Tila umano kumakapit-tuko ang mga SJ na ito sa mga konklusyon ni Atty. Alex Cabrera, forensic expert ng prosekusyon, na nagsabing may tago o kaya’y nakaw na yaman si VP Sara na naglalaro sa P700 milyon hanggang P1.5 bilyon sa anyo ng salapi at ari-ariang lupa; may paglabag sa Konstitusyon na nagbabawal sa katulad ni VP Sara at Pangulo na magkaroon ng ibang pagkakitaan bukod sa sweldo at benepisyo bilang opisyal ng gobyerno; at pagsisinungaling sa Statement of Assets, Liabilities and Networth.
Matatandaang nagsimula ang akusasyon ng prosekusyon ng tagong yaman umano ni VP Sara sa P6.77 bilyon pero nang gumawa na ng pinal na kongklusyon si Cabrera, naging nasa P700M-P1.5B na lamang.
Ninais na palabasin ng prosekusyon noon ang P600 milyong confidential fund ni VP Sara ngunit sa kalaunan, iniatras nila ito.
Para luminaw ang puntong parang kapit-tuko, sa kabila ng nagsimula nang testimonya at ebidensya ng unang mga testigo ng depensa na nagpapasinungaling sa umano’y mga maling paratang kay VP Sara sa mga nakita at kongklusyon ni Cabrera na may iba’t ibang ari-ariang lupain at gusali na hindi deklarado sa SALN; may pekeng negosyo na ginamit sa money laundering si VP Sara; at nagsinungaling ito sa kanyang SALN, kay Cabrera pa rin ang umano’y mga “kapit-tuko.” (ITUTULOY)






