HINDI madaling mamuno sa isang Impeachment trial, lalo kung parehong may argumento ang prosecution at defense at kapwa gustong maipaliwanag ang kanilang panig. Sa ganitong sitwasyon, hindi lang basta pagpapanatili ng kaayusan ang trabaho ng presiding officer.
Kailangang tiyakin na walang isang panig ang napagkakaitang ipresenta ang kanilang argumento. At ito ang papel na ginagampanan ni Presiding Officer Chiz Escudero sa Impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Noong November 19, naging usapin ang Anti-Money Laundering Council documents na ginamit ng prosecution bilang ebidensya kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth sa Article II. Sinang-ayunan ni Escudero ang punto ni House prosecutor Chel Diokno na hindi money laundering ang kasong tinalakay.
Pero hindi nangangahulugang dahil ginamit ang mga dokumentong ito ng prosecution ay wala nang karapatan ang defense na kwestiyunin ang mga ito. Maaari nilang kontrahin ang interpretation, magbigay ng sariling paliwanag, at ipresenta ang kanilang panig.
Ganoon din ang naging approach ni Escudero nang kwestiyunin ng ilang senator-judge ang qualifications ng defense witness na si Rainer Dela Fuente bilang expert witness. Kinikilala niya ang mga concern, pero pinaalala rin niya na hindi dapat diktahan ng Impeachment court ang strategy ng bawat panig sa pagpili ng witnesses at pagpresenta ng ebidensya.
Humingi siya ng pasensya at sapat na leeway para mabigyan din ng pagkakataon ang defense na maipahayag ang kanilang argumento.
Importanteng maunawaan na ang pagpapahintulot sa isang witness na magsalita ay hindi nangangahulugang pinaniniwalaan na agad ang lahat ng kanyang sinasabi. May pagkakataon ang prosecution na kontrahin ang testimony, may pagkakataon ang mga senator-judge na magtanong, at ang Impeachment court ang magtitimbang sa kredibilidad at halaga ng bawat ebidensya.
Sa isang sensitibong paglilitis, hindi kailangang unahan ng pagdududa ang isang panig o limitahan agad ang kanilang pagkakataong magsalita. Ang importante ay pareho silang mabigyan ng patas na pagkakataon, pareho silang sumunod sa rules, at walang sinuman ang magkaroon ng special treatment.
Sa huli, ang kredibilidad ng impeachment court ay nakasalalay hindi lang sa magiging desisyon nito, kundi pati sa pagiging patas ng proseso. Iyan ang pamantayan na pinapanindigan ni Escudero bilang presiding officer.






