UMABOT sa 78,410 na tahanan na nagkakahalaga ng ₱127.44 bilyon ang napondohan ng Pag-IBIG
Fund mula Enero hanggang Oktubre 2026, na nagpapakita ng 15% pagtaas sa bilang ng mga bahay na
napondohan at 20% paglago sa housing loan releases kumpara sa parehong panahon noong nakaraang
taon.
Ayon sa ahensiya, patuloy ang paglawak ng oportunidad para sa mga Pilipino na magkaroon ng sariling
tahanan sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (Expanded 4PH) Program ng
pamahalaan.
Sinabi ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Pag-
IBIG Fund Board Chairman Jose Ramon P. Aliling na ang tuloy-tuloy na paglago ng housing financing
ay patunay ng pagsisikap ng gobyerno na mailapit ang disente at abot-kayang pabahay sa bawat
pamilyang Pilipino, mula sa mga minimum wage at low-income workers hanggang sa middle-income
sector.
Matinding Pagtaas sa 3% at 4.5% Housing Loans
Pinakamalaki ang naitalang paglago sa mga housing loans na may subsidized 3% interest rate para sa
mga kwalipikadong socialized housing borrowers. Sa loob ng sampung buwan, nakapagpondo ang Pag-
IBIG Fund ng 15,674 na tahanan na nagkakahalaga ng ₱16.20 bilyon sa ilalim ng naturang rate, mahigit
labindalawang beses na mas mataas kumpara sa 1,227 na bahay (₱1.06 bilyon) noong nakaraang taon.
Samantala, ang mga housing loans na lampas sa socialized housing price ceiling hanggang ₱4.9 milyon
na sakop ng 4.5% promotional interest rate na inilunsad noong Hunyo 2026, ang nakapagtala ng
pinakamaraming napondohan na umabot sa 31,016 units na nagkakahalaga ng ₱52.91 bilyon, o halos
40% ng kabuuang mga bahay na napondohan sa nasabing panahon.
Matatag na Pondo ng mga Miyembro
Binigyang-diin naman ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta na nananatiling
matatag at maayos ang pamamahala sa pondo ng mga miyembro habang patuloy na nagbibigay ng abot-
kayang pautang.
Ayon kay Acosta, umabot sa 93.80% ang performing loans ratio ng ahensiya nitong Setyembre 2026, na
sumasalamin sa maayos na pagbabayad ng mga member-borrowers na siyang nagbibigay-daan upang
mas marami pang miyembro ang matulungang magkabahay.
Sa ilalim ng Expanded 4PH, maaaring patuloy na mag-avail ang mga kwalipikadong homebuyers ng 3%
subsidized interest rate para sa socialized housing, gayundin ng 4.5% at 5.75% promotional interest
rates kada taon para sa iba pang kwalipikadong borrowers. Ang dalawang promotional rates ay fixed sa
unang tatlong taon at tatanggap ng aplikasyon hanggang Disyembre 31, 2026.






