INAASAHAN nating ang mga pulis at traffic enforcer ang nagpapanatili ng kaayusan, disiplina at kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng batas kaakibat ang paghuli sa mga kriminal. Ngunit paano kung ang mismong mga tagapagpatupad nito ang nagiging dahilan ng takot at panganib sa publiko?
Kamakailan, nabahala tayo sa napaulat na robbery-holdup sa Caloocan City na kinasasangkutan diumano ng anim na pulis at ilang sibilyan. Kabilang sa mga sangkot sa imbestigasyon ang isang police major na agad namang naaresto. Tinatayang ₱1.2 milyon ang halaga ng mga natangay sa mga biktima. Mabuti na lamang at mas marami pa rin ang matitinong pulis kaya nasawata ang itinuturong suspek at lider diumano ng mga holdaper.
Ang pangyayaring ito ay hindi lamang usapin ng kriminalidad. Isa itong malaking hamon sa kredibilidad, integridad at pamumuno sa hanay ng mga alagad ng batas.
Sa OSH (Occupational Safety and Health), dear readers, napakahalaga ng konsepto ng Safety Leadership at Role Modelling. Ang isang safety leader ay hindi lamang nag-uutos na sumunod sa mga patakarang pangkaligtasan. Siya mismo ang unang nagpapakita ng disiplina, katapatan at responsableng pagkilos.
Sa paglalarawan ng role modelling, kung ang traffic enforcer ay nagmamando ng trapiko, dapat siyang maging halimbawa ng disiplina at maayos na pag-uugali. Sa isa pang banda, kung ang pulis ay tagapagpatupad ng batas, dapat din siyang maging modelo ng integridad at paggalang sa karapatang pantao.
Hindi naman lahat ng traffic enforcer at pulis ay masasama. Katulad din iyan ng mga kamatis na nasa loob ng isang basket, minsan nahahaluan din ng bulok.Hindi rin dapat kalimutan ang mga pulis at enforcer na tapat na naglilingkod at nagsasakripisyo para sa bayan. Sila ang matitinong “kamatis” at hindi makatarungang madungisan ang kanilang pangalan dahil sa maling gawain ng iilan.
Kaya mahalaga ang mahigpit na screening, tuloy-tuloy na values formation, leadership development at pananagutan anoman ang ranggo o posisyon.
Ang uniporme ay simbolo ng serbisyo, hindi ito isinusuot o lisensya para mang-abuso. Kailangang tumimo sa isipan ng mga awtoridad na ang kapangyarihan ay hindi pribilehiyo kundi isang malaking pananagutan.
Ang tunay na lider na dapat tularan ay may takot sa Diyos, mapagmalasakit, makatao, at makabayan.






