PORMAL nang nagtapos ang makasaysayang Association of Southeast Asia Nation Summit na ginanap dito sa ating bansa partikular sa Metro Manila.
Datapwa’t marami sa ating mga kababayan ang hindi lubos na alam kung ano nga ba ito at para saan nga ba ito, kaya naman ating bahagyang talakayin ang tungkol dito sa ASEAN.
Ang ASEAN ay itinatag noong Agosto 8, 1967 sa Bangkok, Thailand sa pamamagitan ng paglagda sa ASEAN Declaration (o Deklarasyon ng Bangkok) ng limang bansang nagtatag nito ang Indonesia, Philippines, Malaysia, Singapore at Thailand.
Layunin nitong isulong ang kapayapaan, katatagan, paglago ng ekonomiya, at kooperasyong panlipunan at pangkultura sa Timog-Silangang Asya.
Samantala, ang mga lumagda mula sa naunang limang bansa nagtatag ng ASEAN ay sina Adam Malik ng Indonesia, Narciso Ramos ng Philippines, Tun Abdul Razak ng Malaysia, S. Rajaratnam ng Singapore at Thanat Kinoman ng Thailand.
Datapwa’t noon bago pa mabuo ang ASEAN, ay nagkaroon na ng mga naunang tangka sa panrehiyong pagkakaisa tulad ng Association of Southeast Asia o ASA noong 1960 at ang iminungkahing Malaysia, Philippines Indonesia o MAPHILINDO.
Ang ASEAN ay itinatag sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya, pagkakaiba sa politika, at tensyon sa rehiyon noong panahon ng Cold War.
Mula sa limang naunang bansang nagtatag ay lumawak na ang bilang nito na labing-isang bansa gaya noong 1984 ang Brunei Darussalam, 1995 ang Vietnam, 1997 ang Lao PDR, at Myanmar, 1998 ang Cambodia, at Timor-Leste noong 2025.
Maganda ang layunin ng ASEAN subalit pinoprotesta lamang ito kapag may mga pag-uusapang polisiya at programang sa tingin ng mamamayan ng bansa ay makaaapekto sa karapatan at sa kalikasan ng bansa katulad ng planong proyektong Pax Silica.
Ipinoprotesta din ng mamamayan ang pag-anyaya sa ilang lider ng bansa na hindi naman kaanib ng organisasyong ASEAN katulad halimbawa ng mga super power na United States of America na para sa mga militante at progresibong samahan ay isang imperyalista na nakikialam sa patakaran ng bawat bansa ngunit mas pabor sa kanilang interes lamang at hindi pantay na pagtrato sa mga polisiya.






