Home OPINION SC MAY MALAKING PANANAGUTAN SA VP SARA IMPEACHMENT

SC MAY MALAKING PANANAGUTAN SA VP SARA IMPEACHMENT

2
0

GUSTO man natin o hindi, madali nang matapos ang kasong impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Kung walang aberya, baka matapos ang pagdinig bago matapos ang Nobyembre o sa unang mga araw ng Disyembre 2026 at susunod ang ilang araw na pagsusumite ng “formal offer of evidence” ng kanyang defense panel.

Mapapadali ang paglilitis dahil hanggang 10 testigo na lang ang ihaharap ng defense panel para sa isang article of impeachment bilang bunga ng pag-atras ng prosekusyon ng nalilitis nang dalawang articles of impeachment at isang hindi nalitis.

Naisumite na ang formal offer of evidence ng prosekusyon nitong Oktuber 20, 2026.

Susunod na ang araw ng paghuhukom ng Senate impeachment court.

MINAMANIOBRA PARA MAPADALI

Saan man anggulong tingnan, may nagmamaniobra para mapadali ang paglilitis.

Minamadali dahil may mga iniiwasang mangyari sakaling magtagal ito.

Kabilang dito ang tiyak na kakapusan ng paghahanda ng mga gustong lumaban kay VP Sara sakaling hindi ito madeklarang guilty at masibak sa pwesto at tuluyan na itong kumandidatong Pangulo.

Para sa mga political analyst, sobrang lakas ni VP Sara sa mga sarbey na palatandaan na totoong malakas siyang kandidato.

Sa ganitong kalagayan, kinakailangan ang mahabang panahon sa paghahanap at pagpapahinog ng makatatapat sa kanyang kandidato mula sa sari-sari at watak-watak pang partido pulitikal.

Ngunit kahit madeklara siyang guilty, mag-uunahan pa rin ang iba’t ibang partido at indibidwal dahil may klarong agawan sa pwesto.

Sa katunayan, sa parte ng mga tradisyunal na partido, nagkakaroon na ng mga lipatan, kalasan at iba pa para sila makasiguro ng panalo ang manok nila.

Nagpapalakas na rin ang mga partidong nasa likod ng mga rali para mapansin at gamit ang lahat ng okasyon para isulong nila ang kanilang mga interes habang maaga pa, kabilang na ang mga isyu sa martial law, korapsyon, flood control scandal, kahirapan, katatapos lang na Association of Southeast Asian Nations Summit at iba pa.

Ang mga nagmamaniobra sa mga rali ang kabilang sa mga sangkot sa pagmamadaling ma-convict si VP Sara at may malinaw silang interes kung maaga itong mawala sa pwesto.

PINAKAMAHALAGANG USAPIN

Sa gitna ng mga kilos o maniobrahang pulitikal tungo sa halalang 2028, may isang napakahalagang usapin at mapagpasya.

Walang iba kundi ang napapanahon o wala sa panahon na pagdedesisyon ng Supreme Court sa petisyon nina Senador Bong Go at Robin Padilla at iba pa ukol sa voting threshold o minimum na boto para masibak si VP Sara.

Napapanahon kung maglalabas ang SC ng desisyon bago o sa araw ng paghuhukom ng Senate impeachment court.

‘Yun bang – 16 na batay sa lahat ng senador na 24, ayon sa Article 11, Section 3(6) ng 1987

Constitution o sa 14 na batay sa 20 aktibong lumalahok sa paglilitis.

Hindi naman napapanahon kung maglalabas lang ang SC ng desisyon matapos ang araw ng paghuhukom o araw na ideklarang guilty o hindi si VP Sara.

Higit na klarong wala sa panahon ang desisyon kung madeklarang guilty si VP Sara ng Senate impeachment court sa 14 boto ngunit sa desisyon ng Hukuman, dapat 16 boto.

Ang nakakakaba, posibleng pagmulan ito ng matagalang labanan sa Hukuman at kaguluhan na ring mahirap na kontrolin, at kabilang sa maaaring managot dito mismo ang Hukuman.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here