PANLOLOKO sa asawa ay panloloko, anoman ang kasarian ng ikatlong taong sangkot. Ngunit sa ilalim ng umiiral na batas sa Pilipinas, hindi lahat ng pagtataksil sa pagsasama ay maituturing na krimeng adultery o concubinage.
Sa Article 333 ng Revised Penal Code, nagkakaroon ng adultery kapag ang isang babaeng may asawa ay nakipagtalik sa lalaking hindi niya asawa, gayundin ang lalaking nakipagtalik sa kanya na alam na siya ay kasal, kahit ideklarang walang-bisa ang kasal sa kalaunan.
Paano kung kapwa babae ang karelasyon ng misis, o kapwa lalaki naman ang karelasyon ng mister? Adultery ba ito?
Sa ilalim ng kasalukuyang probisyon, hindi. Malinaw na lalaki ang ikatlong taong tinutukoy sa adultery kapag may asawang babaeng nakipagtalik sa hindi niya asawa. Hindi rin sapat ang simpleng romantikong relasyon upang awtomatikong maituring na adultery, sapagkat hinihingi ng batas ang sexual intercourse.
Paano naman ang concubinage sa Article 334?
Maaaring managot ang asawang lalaki kung pinananatili niya ang kanyang ‘kerida’ sa tahanang mag-asawa, nakikipagtalik sa ibang babae sa ilalim ng iskandalosong mga pangyayari, o nakikipamuhay sa ibang babae sa ibang lugar.
Kung kapwa lalaki ang karelasyon ng mister at doon niya ito pinatira, hindi ito pasok sa tahasang pananalita ng kasalukuyang probisyon ng concubinage. Gayundin, hindi awtomatikong saklaw ng adultery ang same-sex relationship ng asawang babae.
Dito lumilitaw ang usapin ng pagkakapantay-pantay. Kung kinikilala nating maaaring makasakit at makasira ng tiwala ang pagtataksil, bakit hindi malinaw na natutugunan ng batas ang mga sitwasyong may kaparehong epekto ngunit magkaiba ang kasarian ng mga sangkot?
Hindi nangangahulugang dapat agad ituring na krimen ang bawat uri ng pagtataksil. Kailangang timbangin ang karapatan sa pribadong buhay, pantay na proteksyon, at mga limitasyon ng kapangyarihang kriminal ng estado.
Sa gitna ng mga panukalang laban sa diskriminasyon at usapin sa SOGIE, nararapat ding suriin kung napapanahon at patas ang ating mga batas sa pamilya.
Ang batas ay dapat malinaw, makatarungan, at pantay ang proteksyon kaya hindi dapat nakabatay sa kasarian, kundi sa makatarungang pamantayang itinakda nito.






