Home OPINION BOC PINURI SA PAGBIBIGAY HALAGA SA OFWs

BOC PINURI SA PAGBIBIGAY HALAGA SA OFWs

1
0

KAHANGA-HANGA ang hakbang ng Bureau of Customs na magpatupad ng express lane para sa mga overseas Filipino workers sa mas maraming international airport sa bansa. Isa itong positibong hakbang upang mabawasan ang abala sa mga kababayan nating nagtrabaho nang malayo sa kanilang pamilya para lamang kumita at makatulong sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sa ilalim ng direktiba ng BOC, hinihikayat ang mas maraming paliparan na maglaan ng express lane para sa OFWs. Pinapayagan din ang mga paliparang walang nakalaang X-ray machine para sa kanila na bigyan ng prayoridad ang kanilang screening.

Pinuri ni Department of Migrant Workers Secretary Leo Hans Cacdac ang BOC sa naturang hakbang. Tama lamang na kilalanin ang mga programang nagbibigay-ginhawa sa ating mga OFW, na madalas na dumaraan sa mahabang biyahe bago muling makasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

Hindi biro ang sakripisyo ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Marami sa kanila ang nagtitiis ng lungkot, pagod at pangungulila upang maitaguyod ang kanilang pamilya. Kaya nararapat lamang na kapag umuuwi sila sa Pilipinas, mabigyan sila ng maayos, mabilis at makataong serbisyo sa ating mga paliparan.

Layunin ng BOC na mabawasan ang mga abala sa mga international airport, lalo na para sa mga OFW na dumaraan sa proseso ng pagsusuri ng kanilang mga bagahe. Kung maipatutupad ito nang maayos at tuloy-tuloy, malaking tulong ito sa mga kababayan nating matagal nang naghihintay ng mas maginhawang serbisyo.

Gayunman, may isang mahalagang bagay na dapat linawin at kasama rin ba ang mga balikbayan sa pribilehiyong ito? Marami sa kanila ang matagal ding nanirahan at nagtrabaho sa ibang bansa bago umuwi sa Pilipinas.

Dapat malinaw ang saklaw ng patakaran upang maiwasan ang kalituhan sa mga paliparan.

Ang pagbibigay-prayoridad sa OFW ay isang magandang simula. Sana, magpatuloy ang ganitong mga hakbang upang maramdaman ng ating mga kababayan na kinikilala at pinahahalagahan ng pamahalaan ang kanilang sakripisyo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here