MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na kapansin-pansin na tumaas ang buga ng sulfur dioxide mula sa bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas, ngayong araw ng Linggo, Nobyembre 22.
Ayon sa Phivolcs sa pinakahuling 24-oras na pagsubaybay, naitala ng ahensya ang 567 metric tons (MT) ng sulfur dioxide mula sa bulkan, na inuri nito bilang “mahina na pagbuga” (weak emission).
Ang bilang na ito ay nagpapakita ng malaking pagtaas mula sa pang-araw-araw na average na 215 MT na naitala mula Nobyembre 17 hanggang 21.
Samantala, humina ang aktibidad na seismiko sa Bulkang Taal, kung saan tatlong lindol na may kaugnayan sa bulkan lamang ang naitala sa nakalipas na 24 na oras, ayon sa pinakahuling bulletin ng Phivolcs.
Idinagdag pa sa ulat na nakapagtala ang bulkan ng 11 lindol noong Sabado at 13 naman noong nakaraang araw.
Napansin din ng Phivolcs na walang pag-ahon ng maiinit na likido mula sa bulkan sa lawa sa pangunahing bunganga (main crater lake) sa Taal Volcano Island, na matatagpuan sa gitna ng Lawa ng Taal. Walang namataang “volcanic smog” o “vog” sa panahon ng pagsubaybay.
Ang Bulkang Taal ay nananatili sa Alert Level 1, na nangangahulugang may mababang antas ng pag-aalboroto ang bulkan.
Muling ipinaalala ng Phivolcs ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa Taal Volcano Island, partikular na sa Permanent Danger Zone, kabilang ang paligid ng pangunahing bunganga at ang bitak na tinatawag na “Daang Kastila.”
Pinayuhan din ng ahensya ang mga awtoridad sa abyasyon na babalaan ang mga piloto laban sa paglipad nang malapit sa bulkan dahil sa posibilidad ng biglaang pagbuga ng abo. Santi Celario