MANILA, Philippines – Humiling ng imbestigasyon sa Senado si Senador Villanueva upang malaman kung napangangalagaan ng bangko ang pera ng depositor laban sa pekeng tseke at hindi awtorisadong pag-withdraw, at kung nakatatanggap ng napapanahon at patas na kabayaran ang mga depositor na nawalan ng pondo.
Naghain si Villanueva ng panukalang Senate Resolution No. 785 kamakailan, na nag-aatas sa Senate Committee on Banks na siyasatin ang pagpapatupad at kasapatan ng mga pananggalang ng mga bangko, pati na rin ang pagiging epektibo ng regulasyon at mga remedyo para sa mga depositor, bilang tulong sa paggawa ng batas.
“Hawak po ng ating mga bangko ang salapi ng ating mga kababayan, at malinaw po ang ating batas na nakaatas sa mga financial institution ang responsibilidad na pangalagaan ito. Kailangan po nating matukoy kung maayos po ang pagpapatupad nito para sa mga depositor,” pahayag ni Villanueva.
Layunin ng imbestigasyon na alamin kung epektibong bineberipika ng mga bangko ang mga lagda at tagubilin sa pagbabayad, kinukumpirma ang awtoridad ng mga taong kumikilos sa ngalan ng mga depositor, at natutukoy at natutugunan ang mga hindi awtorisadong transaksyon.
Aalamin din sa pagsisiyasat kung paano inaasikaso ang mga reklamo ng mga depositor.
Inihain ni Villanueva ang resolusyon kasunod ng mga ulat at reklamo na kinasasangkutan ng mga pekeng tseke, paulit-ulit na hindi awtorisadong pag-withdraw, at mga kinukuwestiyong transaksyon na patuloy na nagdudulot ng pangamba tungkol sa epektibong pagpapatupad ng mga hakbang pangkaligtasan, pananagutan ng mga bangko, at sapat na remedyo o tulong na maibibigay sa mga depositor na nawalan ng pondo.
“Hindi po dapat maghintay at makipaglaban nang ilang buwan o taon ang isang depositor na nawalan ng pera para patunayan ang naranasan niyang panlilinlang o scam. Tutukuyin po natin kung paano hinahawakan ang mga reklamo, gaano katagal bago malutas ang mga ito, at kung naaayon sa batas ang umano’y pagtanggi sa reimbursement,” diin ni Villanueva.
Layunin din ng resolusyon na alamin kung napangangalagaan at naibibigay ang mga kaugnay na talaan ng transaksyon, at kung ang mga desisyon tungkol sa reimbursement o pagsasauli ng pera ay may malinaw, makatwiran, at legal na batayan, lalo na pagdating sa mga sinasabing pagkukulang o kapabayaan ng depositor.
Isinasaalang-alang din ang mahigpit na pagbabantay mula sa mga regulator. Sa ilalim ng Manual of Regulations for Banks ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), kinakailangan ng mga bangko na magkaroon ng mga pananggalang laban sa pandaraya na direktang pinamamahalaan ng kanilang board at mga nakatataas na opisyal, maaasahang audit trails, at mga sistema sa pagtanggap ng reklamo na nagbibigay-prayoridad sa mga kaso ng panloloko.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11765 o Financial Products and Services Consumer Protection Act, binibigyan ng kapangyarihan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mangasiwa at magpatupad ng mga patakaran para sa proteksyon ng mga mamimili ng produktong pinansyal.
Samantala, itinatakda ng BSP Circular No. 1169, Series of 2023, ang mga proseso para sa tulong sa mamimili, mediation o pamamagitan, at pagpapasya sa mga reklamo.
“Nakasaad na po sa batas ang mga patakaran. Ang kailangan po nating matukoy ay kung ipinapatupad ang mga ito. Kung sakaling may mga puwang pa sa proseso, handa po nating remedyuhan ito at magbalangkas ng karagdagang panuntunan,” saad pa ni Villanueva.
Dagdag pa niya, layunin ng imbestigasyon na makabuo ng mga solusyon kasama ang industriya, at hindi upang litisin ito.
Binanggit din sa resolusyon na paulit-ulit nang pinanindigan ng Korte Suprema sa mga kasong binanggit dito na may tungkulin ang mga bangko na magpamalas ng pinakamataas na antas ng pag-iingat. Pinanagot din nito ang mga bangko sa pagbabayad ng mga tsekeng may pekeng pirma at ibinasura ang mga paratang ng kapabayaan ng depositor na hindi napatunayan. Ernie Reyes