MANILA, Philippines – Itinuturing ng Malacañang na tagumpay para sa Pilipinas ang pakikipag-usap sa Estados Unidos tungkol sa pag-angkat ng pagkain at enerhiya, kahit wala pang pinal na kasunduan ang dalawang bansa.
Sa video statement nitong Linggo, Nobyembre 22, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na mahalagang development ang pagpayag ng US na maging karagdagang supplier ng mga produktong kailangan ng Pilipinas.
Ayon kay Castro, makatutulong ito sa paghahanda sa posibleng kakulangan ng pagkain dahil sa matinding El Niño at sa panganib ng pagkaantala ng suplay ng langis mula sa Middle East.
Iginiit niyang layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng mas maraming mapagkukunan ng pagkain at enerhiya upang makakuha ng mas mababang presyo.
Gayunman, wala pang pinal na detalye kung gaano karaming produktong agrikultural at enerhiya ang aangkatin ng Pilipinas mula sa Amerika.
Sa opisyal na fact sheet ng White House noong Nobyembre 18, nakasaad ang plano na dagdagan ang Philippine imports ng mga produktong Amerikano, ngunit walang binanggit na obligasyong kunin sa US ang lahat ng pangangailangan ng bansa.
Tiniyak naman ng Palasyo na isasaalang-alang sa anumang kasunduan ang kapakanan ng mga lokal na magsasaka, mangingisda at iba pang sektor. RNT