Home HOME BANNER STORY 2-day transport strike ng Manibela, umarangkada

2-day transport strike ng Manibela, umarangkada

1
0

MANILA, Philippines – Sinimulan na ng transport group Manibela ngayong Lunes, Nobyembre 23, ang dalawang araw na tigil-pasada bilang pagtutol sa napapabalitang pagpapalit kay Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Markus Lacanilao.

Nagsagawa rin ng kilos-protesta ang mga miyembro ng grupo sa harap ng LTO Central Office sa Quezon City matapos magmartsa mula sa Agham Road at East Avenue.

Ayon kay Manibela national president Mar Valbuena, nais nilang manatili si Lacanilao sa puwesto upang maipagpatuloy ang mga repormang ipinatupad nito sa ahensya.

Kabilang dito ang pagpapabilis sa pagproseso ng rehistro ng mga sasakyan at driver’s license, gayundin ang pagdidisiplina sa mga tauhan ng LTO.

Iginiit ni Valbuena na hindi dapat palitan ang opisyal habang nagpapatuloy pa ang mga pagbabago sa ahensya.

Samantala, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na wala pang opisyal na anunsyo mula sa Office of the President kaugnay ng posibleng pagbabago sa pamunuan ng LTO.

Bilang paghahanda sa epekto ng tigil-pasada, nagtalaga ang DOTr ng libreng sakay mula alas-6 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi sa ilang ruta, kabilang ang Quiapo-Cubao, Quiapo-Fairview, Taft-Buendia-Alabang at Commonwealth-Cubao.

Naghanda rin ang National Capital Region Police Office ng nasa 6,000 pulis na ipakakalat sa Metro Manila upang tumulong sa mga commuter at magpanatili ng kaayusan sa panahon ng protesta.

Ayon sa Manibela, maaari pang umabot sa tatlong araw ang tigil-pasada depende sa magiging sentimyento ng mga kasapi nito. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here