MANILA, Philippines – Ipapaberipika ng Malacañang ang mga dokumentong umano’y may thumbmark ng mga katutubong Aeta sa Tarlac kaugnay ng pagpapaunlad ng New Clark City, kung saan planong itayo ang US-led Pax Silica technology hub.
Sa isang video statement nitong Linggo, Nobyembre 22, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ipasusuri ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President Ariel Nepomuceno kung tunay ang mga dokumentong iniuugnay sa pagpayag ng ilang Aeta na isuko ang kanilang karapatan sa lupa.
“Kailangan itong ma-authenticate. Hindi nararapat na pumirma ang isang tao kung hindi niya naiintindihan ang nilalaman nito,” ani Castro.
Kasunod ito ng mga ulat na may ilang Aeta na umano’y pinaglagay ng thumbmark sa mga quitclaim document kapalit ng alok na ₱30 kada metro kuwadrado ng lupa.
Ayon sa ilang ulat, may mga dokumentong sinasabing nagpapakita ng pagsang-ayon sa proyekto, ngunit kinukuwestiyon kung lubos na naunawaan ng mga lumagda ang kanilang pinirmahan.
Tiniyak naman ni Castro na hindi pahihintulutan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapagsamantalahan o maagrabyado ang sinumang Pilipino sa mga transaksyon ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act, kinakailangan ang free, prior and informed consent (FPIC) ng mga apektadong katutubong komunidad para sa mga proyektong saklaw ng naturang batas sa kanilang ancestral domain.
Nangangahulugan ito na dapat malaya sa pamimilit at malinaw na naipaliwanag sa komunidad ang layunin at epekto ng proyekto bago makuha ang kanilang pahintulot.
Ang planong Pax Silica hub ay sasaklaw sa humigit-kumulang 1,620 ektarya sa New Clark City, Capas, Tarlac, bilang bahagi ng inisyatibang palakasin ang produksyon ng semiconductors, artificial intelligence infrastructure at iba pang makabagong teknolohiya.
Nauna nang nagpahayag ng pagtutol ang ilang katutubong komunidad dahil sa pangambang mawalan sila ng lupang ninuno at kabuhayan.
Wala pang inilalabas na resulta ang BCDA sa beripikasyon ng mga dokumento, habang nananatiling hindi pinal ang framework agreement para sa planong technology hub. RNT