Home OPINION SC DECISION SA IMPEACHMENT

SC DECISION SA IMPEACHMENT

1
0

SANA naman maihabol sa tamang panahon ng Supreme Court ang desisyon nito ukol sa kasong 14 botong threshold o minimum na boto para madeklarang guilty o ma-convict si Vice President Sara Duterte sa kaso nitong impeachment dahil umano sa “hindi maipaliwanag na yaman.”

Lumalabas na hindi nito itinuring na premature o maaga pa at walang legal standing o karapatan sina Senators Bong Go at Robin Padilla at iba pa na nagpetisyon na ibasura ang 14 boto gaya ng nangyari sa unang nagpetisyon sa pangunguna nina Atty. Vic Rodriguez, Atty. Ernesto Francisco at iba.

Matatandaang makaraang gawing 14 boto mula sa 20 aktibong dumadalo sa paglilitis ang patakaran para sa conviction sa halip na 16 mula sa lahat ng 24 senadoor noong Setyembre 3, 2026, nagsampa kaagad nang hiwa-hiwalay sina Rodriguez at iba pa kinabukasan o Setyembre 24 ngunit mabilis na ibinasura ng Supreme Court ang kanilang petisyon noong Setyembre 30, 2026.

Itong kina Sens. Go at Padilla at iba, nagsampa sila ng petisyon noong Oktubre 6, 2026 at habang tinitipa natin ito, mga Bro, hindi ibinasura ng Hukuman ang petisyon.

Sa halip, inutusan nito ang respondents na Senate impeachment court, House of Representatives at prosecution panel na sumagot sa loob ng limang araw nang walang palugit makaraaang matanggap ng mga ito ang kautusan.

Sumagot na ang lahat respondent, kasama ang Office of the Solicitor General na nagsulong ng pagbasura sa petisyon nina Go.

BAGO MAG-PASKO HANGGANG ENERO 2027

Batay sa ibinigay na kalendaryo ng Senate impeachment court para sa kaso, inaasahang matatapos ang lahat ng proseso, kasama ang panahon ng paglalabas ng ebidensya ng depensa o panig ni VP Sara at pagsusumite nito ng formal offer of evidence, hanggang sa araw ng paghuhukom o pagboto bago mag-Disyembre 19 na simula ng bakasyon ng Kongreso para sa Kapaskuhan.

Para naman sa depensa at sa tantiya mismo ni Atty. Michael Poa na defense spokesperson, maaaring abutin lahat ng proseso sa unang linggo na Enero 2027.

Para naman kay Presiding Officer Chiz Escudero, dalangin nito sana’y matapos ang lahat bago ang Pasko upang makapagsimula umano ang lahat nang maganda sa bagong taon ngunit nagbigay rin ito ng pasubali na depende lahat sa mga pangyayaring darating na hindi maiiwasan at mapigilan.

PINAKAMAHALAGANG USAPIN

Itong voting threshold o pinakamababang boto para sa conviction ang pinakamahalaga sa lahat ng proseso sa Senate impeachment court.

Lalo na’t hindi lang legal at judicial na usapin ang nakataya kundi ang pampulitikang interes ng mga senator-judge at mamamayan.

Labag ba o hindi sa tadhana ng 1987 Constitution na Article 11, Section 3(6) na nagsasabing dapat 2/3 ng lahat miyembro ng Senado ang minimum na boto o 16 o 14 lamang batay sa dumadalong 20 senador sa paglilitis para madeklarang guilty si VP Sara?

Sana naman, makapaglabas ang Supreme Court ng desisyong matatanggap ng mga mamamayan, hindi lang ng mga senador at ibang mga politiko, upang mapigilan ang posibleng kaguluhan na sa huli’y maaaring ikasasama ng buong bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here