Home HOME BANNER STORY Digong: Pagpapawalang-sala kay de Lima respetuhin

Digong: Pagpapawalang-sala kay de Lima respetuhin

MANILA, Philippines- Inihayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na dapat respetuhin ang desisyong pagpapawalang-sala kay dating senador Leila de Lima sa ikatlo at huling drug case laban sa kanya matapos ang pitong taon.

Sa pagbisita sa Tacloban City, inihayag ni Duterte na ipinakikita ng pag-abswelto kay De Lima na gumagana ang demokrasya, base sa ulat nitong Linggo.

Kasunod ito ng paggawad ng Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 206 ng demurrer sa pagpalya ng prosekusyon na patunayan ang “guilt beyond reasonable doubt” ng lahat ng akusado.

Naghain ang dating mambabatas ng kanyang demurrer noong Marso, kung saan inihirit niya sa korte na iabswelto siya at ideklarang walang sala sa pagpalya ng prosekusyon na patunayan ang kanyang pagiging “guilty.”

Kinokonsidera ni de Lima ang legal na aksyon laban kay Duterte at iba pang indibidwal na nasa likod umano ng mga kasong kinaharap niya na may kaugnay sa ilegal na droga.

Sa parehong ulat, sinabi rin ni Duterte na huwag masyadong bumase sa mga pahayag ng anak niyang si Vice President Sara Duterte, na naunang sinabing kakandidato bilang senador ang tatlong Duterte sa 2025– ang dating Pangulo, si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, at Davao City First District Representative Paolo Duterte.

Aniya pa, hindi siya kinonsulta ng kanyang anak sa pagbibitiw nito sa Gabinete ni Marcos, at ipagpapasa-Diyos umano niya ang 2028 elections. RNT/SA