CAMP PRESIDENT QUIRINO, Ilocos Sur – Apat pang pakete ng shabu ang natagpuang palutang-lutang ng mga mangingisda sa West Philippine Sea (WPS) sa lalawigang ito noong Linggo at Lunes.
Ang mga ito ay may katulad na mga marka sa 83 pack na natuklasan noong nakaraang linggo.
Narekober na noong Hulyo 2 ang 87 pakete na nagkakahalaga ng P591 milyon.
Sinabi ni Ilocos Sur Provincial Board Member Efren Rafanan na itinakda ng pamahalaang panlalawigan ang Hulyo 5 bilang deadline para sa mga mangingisda na i-turn over ang mga narekober na shabu at makatanggap ng P50,000 incentive.
Bukod dito, magbibigay ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng P5,000 incentive sa bawat pakete ng shabu na narekober.
Bumuo ang Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO) ng Special Investigation Task Group para imbestigahan ang mga recoveries na ito.
Pangungunahan ni Police Col. Darnell Dulnuan, ISPPO police director, ang task force kasama ang PDEA, Philippine Coast Guard (PCG), Maritime Police, Philippine Drug Enforcement Group, at Forensic Group bilang mga miyembro. RNT