Home NATIONWIDE Firefighting choppers dapat bilhin para sa BFP

Firefighting choppers dapat bilhin para sa BFP

MANILA, Philippines – UPANG makamit ang BFP modernization program hinimok ni Deputy Speaker at Cebu 5th District Rep. Duke Frasco ang Bureau of Fire Protection (BFP) na isama sa kanilang panukalang 2025 budget ang alokasyon para sa mga helicopter upang palakasin ang mga kakayahan nito sa paglaban sa sunog.

Sinabi ni Frasco a naghain siya ng House Resolution No. 1686 na nananawagan sa BFP at Department of the Interior and Local Government (DILG) na isama ang paggamit ng mga helicopter sa arsenal ng mga paraan ng paglaban sa sunog.

Ayon kay Frasco, ilang beses nang naganap ang sunog noong 2024 kung saan naiwasan sana ang pagkawala ng buhay at ari-arian kung may mga helicopter ang BFP na gagamitin — lalo na kapag hindi agad ma-access ng mga firetruck ang mga lugar na mataong tao.

“Isang kamakailang insidente ng sunog ang naiulat noong 16 Abril 2024 sa isang residential area sa Isla F. Manalo, Barangay Batis, San Juan City na umabot sa ikatlong alarma bago ito napatay. Ang sunog na tumagal ng halos tatlong oras ay naging sanhi ng pagkamatay ng isang volunteer firefighter, naapektuhan ang humigit-kumulang 80 pamilya na binubuo ng 318 indibidwal, at nasira ang kabuuang P1.5 milyon na halaga ng mga ari-arian,” sabi ni Frasco sa resolusyon.

“Ang pinakakaraniwang isyu sa pagtugon sa katulad na insidente ng sunog na ito sa mga residential at mataong lugar ay ang accessibility nito dahil sa makikitid na kalye at mga daanan at masamang kondisyon ng trapiko, lalo na para sa malawakang sunog,” dagdag niya.

Kaugnay nito sinabi ni Frasco na ang mga ulat ng balita na nagsasaad na ang bansa ay nakaranas ng 25 porsiyentong pagtaas ng mga insidente ng sunog sa unang dalawang buwan ng 2024 ay dapat na tumawag ng atensyon ng BFP hinggil sa modernization program nito.

“Nangangailangan na pahusayin at gawing moderno ang BFP at tiyakin ang pagtugon nito sa pamamagitan ng pag-upgrade ng antas ng mga serbisyo sa proteksyon ng sunog sa pamamagitan ng mga hakbang kabilang ang pagkuha ng mga bago at modernong kagamitan at sasakyan tulad ng firefighting helicopters,” aniya.

Samantala sa kasalukuyan, ang ehekutibo ay nasa proseso ng pagbuo ng pambansang badyet para sa 2025, na sa ilalim ng 1987 Constitution, ay dapat isumite sa House of Representatives sa loob ng 30 araw pagkatapos ng State of the Nation Address (Sona) ng nakaupong pangulo.

Sa inaasahang gaganapin ang Sona sa Hulyo 22, ang executive ay may hanggang Agosto 21 para isumite ang National Expenditures Program para sa 2025.

Isang batas na nagmo-modernize sa BFP ay pinagtibay noong Disyembre 2021, na kinabibilangan ng probisyon para sa pag-aarmas sa mga bumbero. Santi Celario