Home NATIONWIDE GSIS sa pensioners: Online services gamitin sa gitna ng init ng panahon

GSIS sa pensioners: Online services gamitin sa gitna ng init ng panahon

MANILA, Philippines – HINIKAYAT ng Government Service Insurance System (GSIS) ang mga pensiyonado na samantalahin ang online services para sa pension fund lalo na sa gitna ng matinding init ng panahon na nakaaapekto sa bansa.

Ang anunsyong ito ay matapos na magbabala ang weather bureau ng walang kapantay na temperatura, aabot ng hanggang 46 degrees Celsius sa 24 na lugar sa buong bansa.

Sinabi ni GSIS President and General Manager, Wick Veloso na ang mga old-age at survivorship pensioner ay dapat na gumamit ng digital platforms ng GSIS para i- renew ang kanilang active status o kompletuhin ang Annual Pensioners Information Revalidation (APIR).

“Our pensioners are among the most vulnerable during these extreme weather conditions. By enhancing access to our online services, we ensure they can fulfill their requirements without compromising their health,” ayon kay Veloso sa isang kalatas.

Sinabi ni Veloso na maaaring gamitin ng mga pensiyonado ang GSIS Touch Mobile App para iberipika ang kanilang status gamit ang advanced facial recognition technology.

“This app is easy to use and ensures secure verification of status, allowing pensioners to comply with revalidation requirements without leaving their homes,” ayon kay Veloso.

Bilang pagsisimula, maaaring mag-download ang mga pensiyonado ng GSIS Touch Mobile App mula sa major app stores at sundin lamang ang mga simpleng hakbang para kompletuhin ang kanilang status renewal.

Magbibigay naman ang app ng serye ng iba pang serbisyo, magiging one-stop solution ito para sa marami nilang pangangailangan.

Para sa mga nagnanais na mas personalized service, isang online interview option naman ang available. Maaaring mag-iskedyul ang isang pensiyonado ng appointment sa pamamagitan ng itinalagang GSIS email addresses. Kris Jose