Home OPINION HEMODIALYSIS PACKAGE RATE NG PHILHEALTH, ITINAAS SA P4K KADA SESYON – DOH

HEMODIALYSIS PACKAGE RATE NG PHILHEALTH, ITINAAS SA P4K KADA SESYON – DOH

Ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay kumakalinga sa mga indibidwal na mayroong End Stage Kidney Disease – chronic kidney disease (CKD).

Dati-rati, sa loob ng isang taon, nagkakaloob ang PhilHealth ng 90 hemodialysis sessions para sa  mga miyembro, ngunit hindi sapat ang 90 session para sa mga pasyenteng sumasailalim sa hemodialysis tatlong beses sa isang linggo, kaya pinalawig ng PhilHealth ang limitasyon mula sa 90 session, inaprubahan ng board of trustees gawing hanggang 144 na sesyon.

Maraming pasyente ang nabigyan ng pag-asa at natulungan ng PhilHealth dahil naa-avail na nila ang kanilang hemodialy­sis session kada linggo at hindi na kinakailangang laktawan o magbilang kung aabot hanggang sa katapusan ng taon.

Isa pang Magandang Balita! Inanunsyo ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes, Hunyo 21 ang pagtataas ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa kani­lang package rate para sa hemodialysis mula P2,600 hanggang P4,000 kada sesyon.

Ayon kay DOH Secretary at PhilHealth Board Chair Teodoro Herbosa, ang pagtataas na ito ay kaugnay ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) kung saan sinabi niyang libre na ang dialysis para sa karamihan ng mga Filipino.

Binigyang-diin ni Herbosa na hindi lamang pagsuporta sa kidney disease treatment ang kinakailangan. Mahalaga rin aniya na maiwasan at maagang matuklasan ang sakit.

Aprubado rin ng PhilHealth Board ang iba pang karagdagang serbisyo kagaya ng catheter insertion at blood transfusion. Sa kanilang pinakahuling pulong, tinalakay ng PhilHealth Board ang pagsasaayos ng coverage para sa renal replacement therapy (RRT), kabilang din ang hemodialysis at peritoneal dialysis.

Sakop ng RRT ang mga treatment options para sa kidney failure, gayunpaman hindi nito kayang lunasan ang karamdaman, bagkus ay matutulungan nitong pahabain ang buhay ng mga pasyenteng nasa end-stage na ang sakit.

Maglalabas ang PhilHealth ng isang detalyadong circular at operational guidelines ukol sa karagdagang benepisyo sa lalong madaling panahon.

MABUHAY ANG PHILHEALTH! DAMANG-DAMA NA NAMIN NGAYON NA MAY NAG-AALAGA SA KALUSUGAN NG BAWAT PILIPINO.