Home NATIONWIDE Higit 5,000 Filipino Muslims tumulak sa Mecca para sa Hajj 2024 –...

Higit 5,000 Filipino Muslims tumulak sa Mecca para sa Hajj 2024 – NCMF

MANILA, Philippines- Nasa 5,060 Filipino Muslim ang lumipad patungong Saudi Arabia para sa taunang pilgrimage sa holy city ng Mecca.

“Nasa magandang kamay ang ating mga pilgrims na umabot sa 5,060 pilgrims po this year. Maayos na nakalipad ang lahat, ang pilgrims ay galing Pilipinas papuntang Saudi Arabia,” ayon kay National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) executive assistant Raffie Usman.

Ang Hajj ay kasado mula Hunyo 14 hanggang 19, isa sa limang haligi ng Islam at kailangang isagawa ng ‘able-bodied Muslims’ isang beses sa kanilang buong buhay bilang bahagi ng kanilang religious duties.

Kabilang dito ang paglalakad sa isang bilog sa paligid ng Kaaba, ang sagradong gusali sa gitna ng Grand Mosque ng Mecca.

Sa pamamagitan ng Department of the Interior and Local Government, ang Filipino pilgrims ay ipinadala sa Saudi Arabia mula Mayo 27 hanggang Hunyo 1.

Idinagdag pa ng NCMF na ang Bureau of Immigration ay nagbigay ng special lane para sa pilgrims sa mga paliparapan.

Ang  Hajj participants ay binigyan ng QR codes sa kanilang ID para madaling makilala ang mga hindi bahagi o kasama sa grupo.

Ang Filipino Muslims na nagpartisipa sa pilgrimage ngayong taon ay makatatanggap ng P7,500 refund para sa kanilang accommodation.

“Before sila nakaalis ng Saudi, ire-refund natin ito sa kanila,” ayon kay Usman.

Sinabi pa rin ng Muslim commission na ang  Filipino pilgrims ay nakapirmi ngayon sa isang hotel sa Mecca, hindi katulad ng mga nakalipas na taon.

“Medyo mabilis at tsaka medyo magaan yung operations natin this year dahil iisa yung accommodation nila sa Makkah (Mecca),” ang sinabi ni Usman.

Samantala, nauna nang idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Hunyo 17 bilang isang regular holiday sa paggunita ng Eid al-Adha, o Feast of Sacrifice, isa sa dalawang ‘major holidays’ sa Islam. Kris Jose