Home METRO Higit P.6M ismagel na yosi nasabat ng BOC

Higit P.6M ismagel na yosi nasabat ng BOC

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa mahigit P600,000 halaga ng mga ismagel na sigarilyo ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Cagayan de Oro sa isinagawang operasyon sa Lanao del Norte.

Ayon sa BOC, nasa 768 reams ng undocumented cigarettes ang naharang ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) kasama angĀ  barangay officials sa Brgy. Baning sa Sapad, Lanao del Norte, noong Hunyo 4, 2024.

Sa masusing pagsusuri ng mga tagasuri ng Customs, natukoy ang mga nasamsam na sigarilyo mula sa labas ng Pilipinas at walang mandatoryong selyo ng Bureau of Internal Revenue ayon sa iniaatas ng batas.

Ang tinatayang halaga ng 768 reams ng sigarilyo ay P614,640 base sa kasalukuyang presyo sa merkado. Bukod dito, nasamsam din ang sasakyang Revo na ginamit sa smuggling operation.

Nabatid na agad naglabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) si District Collector Alexandra Y. Lumontad laban sa mga nabanggit na kontrabando at sasakyan dahil sa paglabag sa Section 1113 (l)(1) at Section 1401 ng Republic Act No. 10863, Customs Modernization and Tariff Act ng 2016.

Pinuri naman ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio ang Port of Cagayan de Oro, sa pamumuno ni Collector Lumontad, sa pagpigil sa pagtatangkang ito na makalusot sa merkado, na posibleng makapinsala sa mga mamamayan. JAY Reyes