Home NATIONWIDE LGUs handa sa nagbabadyang La Niña – DILG official

LGUs handa sa nagbabadyang La Niña – DILG official

MANILA, Philippines- Handa ang local governments na tugunan ang posibleng epekto ng La Niña phenomenon sa bansa, ayon sa isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Miyerkules.

“Sa aming assessment handa po yung ating mga local na pamahalaan sa darating na La Niña,” pahayag ni DILG Undersecretaryt Marlo Iringan sa Bagong Pilipinas Ngayon interview.

Ayon sa opisyal, inatasan na ng DILG ang LGUs sa pamamagitan ng memorandum circulars sa Oplan Tag-ulan at Listo sa Tag-ulan, hinggil sa paghahanda para sa tag-ulan.

Dapat umanong magpulong ng LGUs kasama ang local disaster risk reduction management councils at lumikha ng pre-disaster risk assessment, action plan, at contigencies kaugnay ng La Niña.

Gayundin, dapat makipag-ugnayan ang mga lokal na pamahalaan sa state weather bureau PAGASA at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ipinaa-update rin ang hazards maps sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng DENR.

Nitong Lunes, inatasan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang Task Force El Niño ng pamahalaan na simulan na ang paghahanda para sa posibleng pagsisimula ng La Niña phenomenon sa susunod na buwan.

Si Teodoro ang chairperson ng task force.

Nauna nang iniulat ng PAGASA na sa kasalukuyan, ang bansa ay nasa “weak El Niño” stage, at maaaring magwakas ang weather phenomenon sa Hunyo.

Dagdag ng state weather bureau, maaaring umiral ang La Niña sa June-July-August season.

Nitong Martes, sinabi ng PAGASA na magiging madalas ang pag-ulan sa mga susunod na araw sa paglipat ng bansa sa wet season. RNT/SA