MANILA, Philippines- Nanganganib ang energy security ng Pilipinas kung hahayaan na lamang ang China na magtayo ng artificial island sa Escoda (Sabina) Shoal sa Palawan.
Nagbabala si retired Supreme Court senior associate justice Antonio Carpio na kailangan depensahan ng bansa ang Escoda Shoal dahil malapit lamang ito sa Recto Bank sa West Philippine Sea na mayaman sa oil deposits.
Tatlong beses aniya na mas malawak sa Malampaya natural gas field sa northern Palawan ang Recto Bank.
Dahil dito, nararapat na magtalaga ng outpost sa Escoda na magbabantay ng 24 oras kung saan kasabay na nababantayan ang Reed Bank.
Ipinunto ni Carpio ang malaking pakinabang na ibibigay ng Reed Bank sa Pilipinas sa pagsuplay ng gas na maaring umabot ng 75 taon.
Magugunita na iniulat kamakailan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagtatambak ng China ng mga durog na corals malapit sa Escoda Shoal bilang paghahanda umano nito sa reclamation activities para makapagtayo ng artificial island.
Idineploy na ng PCG ang pinakamalaki nitong barko na BRP Teresa Magbanua upang protektahan ang Escoda Shoal bunsod ng presensya ng Chinese vessels sa lugar.
Ang Escoda Shoal ang nagsisilbing tagpuan ng mga resupply missions para sa tropang Pilipino sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal.
Malapit sa Ayungin Shoal ang Mischief Reef kung saan nakapagtayo na ang China ng kanilang military base noong 1985.
Sinabi dati ng China na ang kanilang itinatayo ay kanlungan lamang umano ng kanilang mga mangingisda.
Nababahala ang PCG na sakaling tagumpay na makapagtayo ng isla ang China sa Escoda Shoal, magkakaroon ito ng strategic position malapit sa Ayungin Shoal at sa BRP Sierra Madre na madali nang mapapalubog. Teresa Tavares