Home NATIONWIDE Navy officer na nasaktan sa pagbangga ng China Coast Guard sa PH...

Navy officer na nasaktan sa pagbangga ng China Coast Guard sa PH vessel, kinilala ng AFP

MANILA, Philippines – Ginawaran ng parangal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tauhan ng Philippine Navy na nagtamo ng seryosong injury sa June 17 resupply mission sa Ayungin Shoal matapos ang panggigipit ng pwersa ng China.

Nakatanggap si Seaman First Class Jeffrey Facundo ng “wounded personnel medal” mula kay AFP chief Romeo Brawner, na personal na bumisita sa kanya.

“Magpagaling ka, huwag ka mawalan ng pag-asa, nandito kami. Kung may mga kailangan ka sabihan mo lang kami,” mensahe ni Brawner sa sugatang Navy personnel.

Nagpasalamat naman si Facundo sa AFP sa medalya ngunit tumangging sumagot sa mga tanong ng mga mamamahayag tungkol sa kanyang injury at kung ano ang nangyari sa resupply mission.

“May nakakataas po sa ‘min na sasagot,” aniya.

Tikom din ang bibig ng mga opisyal ng pamahalaan sa detalye kaugnay sa nagdaang resupply mission sa Ayungin Shoal ngunit sa ulat ay sinabing walong manlalayag ang nasaktan, kabilang ang isa na naputulan ng daliri. RNT/JGC