Home METRO Negosyanteng top 3 MWP swak sa selda

Negosyanteng top 3 MWP swak sa selda

MANILA, Philippines- Kulungan ang kinahantungan ng isang 51-anyos na lalaki makaraang magpalabas ng warrant ang korte at masakote sa ikinasang operasyon ng kapulisan, sa Barangay Bayanihan sa Gapan City, Nueva Ecija nitong Huwebes.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Nueva Ecija director, P/Col. Richard Caballero, kinilala ang arestadong suspek na si Randy Albano y Barber, may asawa, residente ng Barangay Santo Rosario Old Zaragoza, Nueva Ecija.

Ayon sa pulisya, ganap na alas-3:05 ng hapon nang isagawa ng kapulisan sa pangunguna ng Gapan City police, ang isang operasyon gamit ang alternative recording device.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng isinilbing warrant of arrest sa paglabag umano sa reklamong 17 counts ng Estafa, na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), National Capital Judicial Region, Branch 32, Manila, pinetsahan nitong May 13, 2024, may piyansa sa halagang P680,000.

Dagdag pa rito, ang suspek ay nakatala sa pulisya bilang top 3 Most Wanted Person sa lungsod ng Gapan.

Pansamantala, ang suspek ay nasa custodial facility ng Gapan CPS. Elsa Navallo