Home METRO Archdiocese of Manila makikiisa sa prayer rally kontra Chacha

Archdiocese of Manila makikiisa sa prayer rally kontra Chacha

MANILA, Philippines- Makikibahagi ang Archdiocese of Manila sa isasagawang People’s March and Prayer Against Charter Change sa May 22, 2024.

Hinimok ni Manila Archdiocesan Chancellor Fr.Isidro Marinay sa liham sirkular na ang nasasakupan ay makikiisa sa pagtitpon sa harapan ng tanggapan ng Senado sa Pasay City mula alas-3 hanggang alas-5 ng hapon.

Gayundin, patutunugin nito ang kampana ng mga simbahan tuwing alas-4 ng hapon para sa nabanggit na intensyon.

“Our prayers in the Our Mother of Perpetual Help Novena will be offered for our country and leaders,” bahagi ng mensahe ni Fr. Marinay.

Ang pagkilos ay inisyatiba ng social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na Caritas Philippines na kasalukuyang pinamumunuan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.

Tiniyak ng social arm na paiigtingin ang information drive sa mamamayan hinggil sa umano’y negatibong maidudulot sa pagbabago ng Konstitusyon.

“In this light, the Episcopal Commission on Social Action – Justice and Peace/Caritas Philippines and the Social Action Network, which is tasked to address this issue, would like to continue strengthening our anti-charter change campaign to ensure that our lay faithful are correctly informed and educated about the issues surrounding our Constitution,” ayon kay Bishop Bagaforo.

Humigit-kumulang 3,000 indibidwal mula sa iba’t ibang mga parokya, catholic insitutions kabilang na ang mga paaralan sa Metro Manila at karatig-lalawigan ang inaasahang makikibahagi sa aktibidad.

Hinimok din ng mga obispo ang mga parokya na hindi makadadalo sa prayer rally sa Senado na magsagawa ng kaparehong gawain sa mga parokya sa parehong oras.

Patuloy ang paninindigan ng CBCP laban sa Charter change at iginiit na hindi napapanahong palitan ang kasalukuyang 1987 Constitution. Sa halip, hinimok nito ang pamahalaan na gumawa ng mga polisyang makatutugon sa pangunahing suliranin na kinahaharap ng bansa kabilang na ang kahirapan, gutom, at kawalan ng sapat na oportunidad sa mga Pilipino lalo na ang mga magsasaka at manggagawa. Jocelyn Tabangcura-Domenden