PANGASINAN, Philippines – Ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang mahigpit na aksyon at imbestigasyon laban sa mga operator ng fish cage na umano’y itinayo sa labas ng itinakdang mariculture area sa Sual, Pangasinan.
Sinabi ni Tiu Laurel na makikipag-ugnayan ang Department of Agriculture (DA) sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang siyasatin ang posibleng iregularidad na kinasasangkutan ng mga lokal na opisyal, kabilang ang kapabayaan at hindi pagpapatupad ng mga regulasyon.
Binigyang-diin ng kalihim na ang permit para magpatakbo ng fish cage sa municipal waters ay pribilehiyong ipinagkakaloob ng pamahalaan at maaaring bawiin kapag nilabag ng mga operator ang mga patakaran o naapektuhan ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda.
“Ang pagpapatakbo ng mga fish cage sa municipal waters ay isang pribilehiyong ipinagkakaloob ng pamahalaan, hindi isang ganap na karapatan. May malinaw itong mga kundisyon, at maaaring bawiin ang pribilehiyong ito kapag nilabag ng mga operator ang mga patakaran o inabuso ang kanilang mga permit. Hindi natin maaaring hayaang manaig ang interes ng mga komersyal na negosyo kaysa sa karapatan at kabuhayan ng maliliit na mangingisda o ipagkait sa kanila ang access sa kanilang tradisyunal na pangisdaan,” anang kalihim ng DA.
“Tungkulin nating protektahan ang mga katubigang ito bilang likas-yamang pinagsasaluhan ng lahat at tiyaking hindi maisasantabi ang mga taong umaasa rito para sa kanilang kabuhayan. Sinumang operator na mapatunayang lumabag sa batas ay dapat managot alinsunod sa tamang proseso, anuman ang laki o impluwensiya ng kanilang negosyo,” dagdag niya.
Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 1, natukoy ang 132 fish cage units na iniuugnay sa Lucky Fortune Group Feedmill Corp. at Super Mega Sea Horse Feedmill Corp. na nasa labas ng hangganan ng Sual Mariculture Zone, partikular sa Calpay, Cabalitian, Cabitaogan Bay.
Noong Setyembre, naglabas ang munisipyo ng cease-and-desist order na nag-uutos sa mga operator na alisin ang 33 fish cage sa Calpay at ilipat ang 99 iba pa sa mga awtorisadong lugar. Binigyan sila hanggang Nobyembre 30 upang sumunod.
May hawak na municipal fishery privileges ang dalawang korporasyon para sa tig-50 fish cage o kabuuang 100 yunit. Patuloy namang tinutukoy ng Municipal Agriculture Office ang mga may-ari ng 99 iba pang yunit dahil walang marka o color coding ang mga ito.
Sa magkasanib na inspeksyon ng BFAR noong Nobyembre 24, napag-alamang wala na sa dating lokasyon ang 33 fish cage, ngunit naroon pa ang kanilang mga mooring facility o pasilidad na nagpapanatili sa pagkakakuwesto ng mga ito.
Itinala rin ng mga awtoridad ang GPS coordinates ng mga istruktura upang maikumpara ang lokasyon ng mga ito sa opisyal na hangganan ng mariculture zone.
Dahil isinagawa ang inspeksyon bago ang Nobyembre 30 deadline, hindi pa nangangahulugang ganap nang nakasunod sa kautusan ang mga operator. Inirekomenda ng BFAR na tiyaking tuluyan nang naalis ang mga fish cage at kung ang iba pang istruktura ay nailipat sa mga awtorisadong lugar.
Inirekomenda rin ng ahensya ang pagsusuri sa posibleng paglabag sa Philippine Fisheries Code at Revised Sual Fisheries Code, at pagpapataw ng kaukulang parusa kung mapatutunayan ang mga paglabag alinsunod sa batas. Santi Celario