Home NATIONWIDE Oktubre 30 idineklara ni PBBM na National Day of Charity

Oktubre 30 idineklara ni PBBM na National Day of Charity

MANILA, Philippines- Ipinalabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Proclamation No. 598 na nagdedeklara sa Oktubre 30 kada taon bilang “National Day of Charity.”

Ang proklamasyon ang bumubuo ng bahagi ng ‘commitment’ ng administrasyon para isulong at iangat ang buhay ng bawat Pilipino sa “Bagong Pilipinas.”

Sa paglagda sa proklamasyon, tinukoy ni Pangulong Marcos ang Section 9, Article II ng Saligang Batas, may mandato ng isang “just and dynamic social order” para tiyakin ang kasaganahan at kasarinlan at palayain ang mga tao mula sa kahirapan sa pamamagitan ng polisiya na nagbibigay ng social services, nagpo-promote ng ganap na trabaho at pagpapahusay sa ‘standard of living’ at kalidad ng buhay para sa lahat.

“Bagong Pilipinas, as the overarching theme of the Administration’s brand of governance and leadership, calls for deep and fundamental transformations in all sectors of society and government, and visions to emphasize compassion, solidarity and social responsibility among Filipinos,” ang nakasaad sa proklamasyon.

Tinintahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang dalawang pahinang Proclamation No. 598 noong Hunyo 13 ngayong taon.

Sa ilalim ng proklamasyon, inatasan ni Pangulong Marcos ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na pangunahan, makipag-ugnayan at pangasiwaan ang paggunita sa “National Day of Charity,” at tukuyin ang mga programa, aktibidad at proyekto para sa selebrasyon.

Ang PCSO “has shown its dedication to fulfil its mandate through the provision of medical services, the conduct of free medical and dental services, the establishment of an out-patient clinic, and its partnerships with qualified government and non-government welfare institutions/agencies that promote the well-being of the marginalized sectors of society.”

Ang lahat ng government agencies at instrumentalities, kabilang na ang government-owned or -controlled corporations, financial institutions at state universities and colleges ay inatasan at hinikayat na magpartisipa sa paggunita sa “National Day of Charity.”

Gayundin, ang lahat ng local government units, non-government organizations at pribadong sektor ay inatasan ng kahalintulad na kautusan. Kris Jose