Home OPINION PATAY SA HAJJ SA SAUDI HIGIT SA 1.3K

PATAY SA HAJJ SA SAUDI HIGIT SA 1.3K

INIHAYAG kahapon ng Kingom of Saudi Arabia na nasa 1,301 ang namatay sa banal nitong siyudad na Mecca na taunang pinagdarausan ng Hajj pilgrimage.

Ayon pa sa KSA, nakilala na lahat ang mga namatay at nakapag-isyu na ito ng death certificates para sa mga pamilya ng mga ito.
Gayunman, sinasabi ng iba’t ibang bansa na nagbigay ng pahintulot sa kanilang mga mamamayan na pumunta sa Mecca na maaaring mas higit pa ang namatay, lalo’t marami rito ang iligal na pumunta roon makaiwas lang sa napakamahal umanong
bayarin.

Nag-isyu lamang ang Saudi Arabia ng 1.8 milyong indibiduwal na lisensya para makapasok sa loob ng Mecca at magsagawa ng Hajj at may ulat na libong dolyar ang halaga ng bawat lisensya.

Paliwanag mismo nito na marami ang basta dumating ngunit hindi nakapasok dahil sa kawalan ng lisensya at nagsagawa ng mga ritual sa ilalim ng sobrang init ng panahon na umabot sa nasa 52 degrees Celsius na katumbas ng pagsisimula ng pagkulo ng
tubig.

Hindi lang umano sa init sa ilalim ng araw namatay ang mga biktima kundi nawalan sila ng suplay ng pagkain, tubig at silungan sa kawalan nila ng lisensya, bukod pa sa
paglalakad nila patungong Mecca sa gitna ng disyerto.

Ang Egypt na kapit-bansa ng Saudi Arabia ang iniulat na may pinakamaraming biktima at karamihan sa mga nasawi ang walang lisensya.

Hanggang sa ngayon naman, iisa pa lang na Pilipino ang napaulat na nasawi at isa itong babae.

Ang Hajj pilgrimage ay isinasagawa taon-taon upang maging banal at malapit kay Allah at sinasabing sapat nang gawin ito minsan sa buhay ng isang Muslim.

Pinag-iipunan ang panggastos dito, lalo na ang nanggagaling sa malalayong bansa, gaya ng Pilipinas, dahil sa mahal na pamasahe sa eroplano, pagtira sa mga hotel, bahay o tent, mahal na lisensya at iba pa.