Home OPINION PHILHEALTH GAGAMIT NG ARTIFICIAL INTELLIGENCE SA PAGBABAYAD SA MGA OSPITAL

PHILHEALTH GAGAMIT NG ARTIFICIAL INTELLIGENCE SA PAGBABAYAD SA MGA OSPITAL

Lumagda kamakailan ang PhilHealth o Philippine Health Insurance Corporation at Pulse 63 HV Philippines (SwiftClaims) sa isang Proof of Value Agreement para sa paggamit ng isang software na gumagamit ng Artificial Intelligence o AI na idinisenyo ng huli upang lalo pang mapahusay at mapabilis ang pagproseso ng health insurance claims sa ahensya.

Ang nasabing kasunduan ay naglalayong bawasan ang oras ng pagproseso ng mga claim, gayundin ang mabawasan ang claims na ibinabalik sa health facilities dahil sa iba’t ibang dahilan gaya ng kakulangan ng mga dokumento, at iba pa.

Inaasahang ipoproseso ng AI-powered system ang mga claim in real-time, ilalapat ang mga tuntunin alinsunod sa mga patakaran at alituntunin ng ahensya, at iba pa. Kasama sa mga inaasahang resulta ay ang pag-aalis sa manual intervention at mabilisang pag-apruba at pagbabayad ng mga itinuturing na “clean claims” sa partner health facilities.

Pumirma sa kasunduan sina PhilHealth Chief Information Officer Jovita Aragona, President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. at Pulse 63 HV Philippines (SwiftClaims) Chief Executive Officer Louis Kweyamba Maguru at Deputy Managing Director Arvind Appavu.

 DSWD NAGBABALA SA NAGLIPANANG
PEKENG FACEBOOK POST
Nagbibigay-babala at nakikiusap ang DSWD o Department of Social Welfare and Development sa 4.4 million na mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa mga naglipanang pekeng Facebook post ukol sa schedule ng payout sa kani-kanilang lugar.
Nakarating sa kaalaman ng kagawaran ang isang viral post na naglalaman ng mga petsa ng distribusyon ng 4P’s allowances at listahan ng mga benepisyaryo.
Paglilinaw ng DSWD, hindi nanggaling sa official social media channels ng kagawaran ang nasabing impormasyon na magdudulot ng kalituhan sa mga benepisyaryo.
Ang lahat ng opisyal na paabiso o impormasyon kabilang na ang payout schedules ay inilalabas lamang sa official 4Ps FB account.
Ang Land Bank of the Philippines ay awtorisado rin na maglabas ng payout schedules sa kanilang FB page kapag ang cash grants ay pumasok na sa bank account ng mga benepisyaryo.
Paalaala ng DSWD, sa kasalukuyang panahon na napakaraming scammers ay kailangang beripikahin ang anomang nakararating na impormasyon para iwas sa pagkapagod o anomang kapahamakan.