Home HOME BANNER STORY Pinas pasok sa $8.1B US emergency aid package

Pinas pasok sa $8.1B US emergency aid package

MANILA, Philippines – Makatutulong na palakasin ang ‘defense capabilities’ ng bansa lalo na sa gitna ng umiigting na tensiyon sa West Philippine Sea ang pagkakasama ng Pilipinas sa mapamamahagian ng panukalang $8.1 billion aid package ng United States House of Representatives.

Sinabi ni Speaker Martin Romualdez na inaprubahan ng Kongreso ng Estados Unidos ang emergency aid package para sa mga pangunahing kaalyado sa Indo-Pacific, kabilang na ang Pilipinas na may botong 385-34.

Partikular na binigyang-diin ni Romualdez ang inaprubahang amiyenda sa batas ni California Rep. Darrell Issa na hinihikayat ang US State Department na maglaan ng USD500 million sa foreign military financing sa Pilipinas.

“The passage of this amendment underscores the deepening partnership between our nations and highlights the United States’ commitment to enhancing the defense capabilities of the Philippines,” ayon kay Romualdez.

Ang panukalang alokasyon para sa military aid sa Pilipinas, ay makapagpapabilis sa military modernization ng bansa at makapagpapalakas sa law enforcement capabilities, mahalagang hakbang para mapanatili ang soberanya at regional peace.

Ang pag-apruba sa bipartisan measure ay matapos ang kamakailan lamang na extensive deliberations sa pagitan ng Philippine House delegation at ilang American legislators sa Washington, D.C.

Ang deliberasyon ay kasabay naman sa trilateral summit nina US President Joe Biden, Japan Prime Minister Fumio Kishida, at Philippine President Ferdinand R. Marcos Jr. noong Abril 11.

“The constructive dialogue and shared vision exhibited during our meetings exemplify the enduring partnership between our nations,” ayon kay Romualdez sabay sabing “This aid package symbolizes our collective resolve to fortify the bonds of friendship and cooperation in the Indo-Pacific.”

Dahil dito, nagpahayag naman ng kumpiyansa si Romualdez na ang ‘decisive action’ ng US House ang maghahanda para sa kolaborasyon at partnership sa pagitan ng Estados Unidos at kaalyado nito Indo-Pacific region, partikular na ang Pilipinas. RNT