Home OPINION SA KUKO NG MGA BUWITRE

SA KUKO NG MGA BUWITRE

WALANG puknat ang ginagawang pang-aapi ng China sa mga kababayan natin sa West Philippine Sea hindi lang sa hanay ng mangingisda maging sa mga sundalo ng bansa.

Hindi na pinalalampas ng mga sundalong Tsino ang mga kasama natin na naghahatid lang naman ng pagkain at iba pang suplay ng mga nagbabantay sa inangking teritoryo sa WPS kung saan pilit na inagaw pa ang bitbit na ayuda para sana sa BRP Sierra Madre kaya naman humantong sa pagkasugat ng ilang sundalong kababayan.

Bulag at bingi na ang gobyerno ng China hinggil sa pagkondena ng sanlibutan sa ginagawa nitong pambabalya,pang-aabuso’t pang-alipusta sa mga kasama natin na tanging may karapatan sa inagaw na teritoryong maliwanag pa sa sikat ng araw na tayo ang nagmamay-ari batay sa itinakda ng International Law of the Seas.

Lumalabas na walang respeto ang higanteng bansa sa itinakdang pangkalahatang batas na sadyang sinusunod naman ng iba’t-ibang gobyernong ipinaiiral upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan ng bawat isa at magkaroon ng matiwasay na sanlibutan.

Batid ng lahat na may sariling alituntuning sinusunod ang China na hayagang panlalamang at sariling interes lang ang pinagsisilbihang taliwas sa umiiral na patakaran sa buong mundo.

Sa ganitong sitwasyon, higit na kailangan ngayon ng pamahalaan ang tulong ng malalaking kaalyadong bansa upang matigil na ang pang-aaping dinaranas natin sa kamay ng mga Tsino.

Ibig sabihin, hindi puro pangako lang na kesyo anomang oras ay kakampi natin ang Estados Unidos kontra sa ginagawang pang-aabuso doon sa WPS.

Kailangan kumilos na ngayon ang US na tulungan tayo sa mga pang-aaping ito sa pamamagitan ng pagiging katuwang natin sa pagbabantay nang inaangking karagatan at hindi ‘yung lulubog at lilitaw na pagpapatrulya sa inaangking karagatan.

Kung totoong sanggang-dikit natin na kaalyado si “Uncle Sam” ay maramdaman dapat ng bawat Pinoy na “to the rescue” lagi sila sa panahon nang pambabalyang ito mula sa kuko ng China.