Home OPINION ‘SWAT’, MASCOT AT ENDORSER NG ISANG KOMPANYA?

‘SWAT’, MASCOT AT ENDORSER NG ISANG KOMPANYA?

IBANG klase rin naman ang pasabog sa soft opening nitong isang bagong kompanya na Prime Z dahil naging pangunahing atraksiyon ang paglutang ng mga miyembro ng Special Weapons and Tactics team ng Philippine National Police.

Hindi lang natin alam kung mga tunay na miyembro ng PNP-SWAT Team ang mga nagsilbing modelo ng kompanya na tila mga mascot at endorser ng produktong ilalako sa merkado ng baguhang kompanya sa Pasig City.

Kung tunay na mga miyembro ng SWAT ang mga dumalo sa pagbubukas ng kompanya, mukhang may malaking katanungan dito dahil alam naman natin kung ano ang pangunahing tungkulin ng elite force na ito.

Ang SWAT team ang pangunahing rumeresponde at tumutugon sa mga nangyayaring hostage taking, kasama sa pagsisilbi ng warrant of arrest sa mga notoryus at kilabot na kriminal, nagsasagawa ng crowd control sa mga insidente ng karahasan at iba pang mga pangyayari na kinakailangan ang kanilang kaalaman bilang mga aktibo at magaling sa paggamit ng armas.

Pero sa isang pagtitipon na wala naman kahit anong hibla ng panganib tulad nang pagbubukas ng isang bagong kompanya na magpapakilala ng kanilang mga produkto, hindi siguro angkop na magresponde pa rito ang elite group ng PNP at gamitin pa bilang pangunahing atraksiyon.

Hindi lang natin batid kung sa police station o sa district nagmula ang mga miyembro ng SWAT na dumalo sa kaganapan pero kahit saan pa sila nakatalaga, mukhang may pananagutan ang kanilang immediate superior sa oras na makarating ito sa kaalaman ni PNP chief P/Gen. Rommel Marbil.

Eh ang linaw linaw pa naman ng utos ng butihing heneral na ikalat sa lansangan ang mga pulis para magsilbing panakot sa mga masasamang elemento ng lipunan kaya nakapagtatakang sa isang okasyon rumesponde ang SWAT Team.

Dapat kumilos na ang PNP maging ang Department of Interior and Local Government sa ilalim ni Secretary Benhur Abalos, Jr. upang alamin kung ano ang kaugnayan ng SWAT sa produkto ng kompanyang ito. Bukod pa sa dapat ding alamin ng Food and Drug Administration kung ang produkto ng kompanyang panuntunan kung pumasa sa kanilang panuntunan ang mga produktong iaalok ng kompanya sa merkado.