Home NATIONWIDE Tanggapan ng mga Revilla bukas sa pagtulong sa mga Marikeño anumang oras

Tanggapan ng mga Revilla bukas sa pagtulong sa mga Marikeño anumang oras

NAKAHANDA ang Tanggapan ni Senador Ramon Revilla, Jr. at kanyang mga kaanak anumang oras para magbigay ng tulong sa sinumang nangangailangan laluna sa usapin ng kalusugan.

Ang paniniyak ni Senador Revilla ay ginawa sa isang live video message habang dumadalo ang kanyang may-bahay na si Cavite Congresswoman Lani Mercado-Revilla upang pangunahan at saksihan ang pamamahagi ng P2,000 na Assistance to Indibiduals in Crisis Situation (AICS) na programa ng Senador at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa dalawang libong mamamayan ng Lunsod ng Marikina.

Sa live video message ay sinabi ni Senador Revilla na kailanman ay hindi niya makakalimutang magsilbi sa bawat mamamayan ng Marikina laluna kahit kailan ay hindi siya iniwan ng mga ito sa anumang laban na kaniyang tinahak mula sa pelikula, telebisyon at sa mga pagsubok sa buhay.

Siniguro din ng senador sa mag-asawang Marikina Mayor Marce Teodoro at Congresswoman Maan Teodoro na kasamang dumalo na anumang oras na kailangan nila ang tulong at suporta ng kanilang pamilya ay nariyan lamang siya.

Nagpaalala naman si Congresswoman Revilla sa lahat ng mamamayan ng Marikina na huwag magdalawang-isip na lumapit sa tanggapan ng mag-asawang Teodoro at mga Revilla para humingi ng tulong patungkol sa kanilang kalusugan ; mayroon aniyang guarantee letter na ibibigay sa kanila para sa mga government hospital o mga ospital na mayroong Memorandum of Agreeement (MOA) ang Department of Health (DOH).

Partikular na tinukoy ni Congresswoman Lani Revilla ay ang mga taong sumasailalim sa dialysis, chemotheraphy at iba pang kahalintulad na uri ng sakit.

Dahil ang ibang benepisyaryo ng AICS na dumalo ay mga senior citizen, kamag-anak ng mga guro at mga empleyado sa gobyerno, tinukoy na rin ni Cong. Lani ang ilan sa mga naging batas na ang pangunahing may-akda ay ang kanyang asawang Senador sa pakikipagtulungan din niya at ng kanyang dalawang anak na kongresista na sina Bryan at Jolo Revilla.

Ilan sa mga ito ay ang Centenarian Act para sa mga senior citizen na may edad 80, 85, 90, at 95 taong gulang , dagdag na Chalk allowance Act para sa mga guro, ang pangmatagalang bisa ng mga birth certificate, marriage contract at death certificate, ang dagdag na night differential act para sa mga pampublikong manggagawa, ang mabilisan at matagal na expiration ng pasaporte at marami pang iba. RNT