Home OPINION ‘TOLL’ SA CAVITEX HINILING NA IPATIGIL NG 30 ARAW

‘TOLL’ SA CAVITEX HINILING NA IPATIGIL NG 30 ARAW

MAY magandang balita na naghihintay sa mga motoristang dumaraan sa ilang piling lugar sa southern area ng Metro Manila at karatig na lalawigan sa mga susunod na araw.

Sa oras na magbigay ng “go” signal ang Toll Regulatory Board sa mungkahi ni Philippine Reclamation Authority Chairman Atty. Alexander Lopez na suspendihin ang pangongolekta sa toll ng 30-araw sa lahat ng uri ng sasakyan na tumatahak sa Manila-Cavite Expressway patungo sa mga lugar ng Taguig, Paranaque, Las Piñas, Bacoor, at Kawit, tiyak na mapaluluwag ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa naturang mga lugar.

Ang mungkahi ni Lopez ay bunga nang pagnanais na makatulong sa pagpapakilala sa publiko lalo na sa mga motorista sa bagong express road na bahagi ng mga imprastraktura ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kapag ipinatupad ang mungkahi, bibilis ang biyahe na posibleng maging daan sa pagbabago ng pananaw ng mga motorist na dumaranas nang hindi magandang epekto bunga nang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Si Lopez ay hindi lamang nagsisilbi bilang PRA chairman kundi siya rin ang itinalaga ni Pangulong BBM na maging Manila Chairman ng opisyal na partidong pulitikal ng administrasyon na Partido Federal ng Pilipinas (PFP), kasama ang mga bagong Hirang na Lupon ng mga Direktor na kinabibilangan nina General Manager Cesar S. Siador Jr., Direktor Onyx Crisologo, Direktor Steve Dioscoro Esteban Jr.at Direktor Nolasco Bathan.

Malinaw na aprubado ni PBBM ang mungkahi ni Lopez na toll holiday sa Manila-Cavite Expressway sa loob ng 30-araw dahil mismong ang una ang nanawagan sa TRB na agaran itong ipatupad para na rin sa benepisyo ng mga motorista at mga pasahero.

Ang Cavitex C5 Link ay pinagsama-samang proyekto ng PRA, TRB, at Cavitex Infrastructure Corporation  na isang subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation na idinisenyo upang mapabuti ang rehiyonal na paggalaw ng mga tao at mga kalakal, na nag-aalok ng mas mabilis at higit pa mahusay na ruta para sa mga commuter at serbisyo sa transportasyon.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.