Home METRO Voter registration sa Las Piñas suspindido mula Hunyo 24-29

Voter registration sa Las Piñas suspindido mula Hunyo 24-29

MANILA, Philippines – Pansamantalang sinuspindi ng Commission of Elections (Comelec) ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang pagpaparehistro ng mga botante mula Hunyo 24 hanggang 29 upang mabigyan ng daan ang pagsasagawa ng plebisito tungkol sa territorial boundaries ng 20 barangay sa lungsod.

Ang pansamantalang pagsuspindi ng mga magpaparehistrong botante sa lungsod ay alinsunod sa kautusang inilabas ng Comelec sa Maynila na may Memorandum Order No.240624 para kina Commissioner Aimee Ferolino, plebiscite commissioner-in-charge; Director Rafael Olano, deputy executive director for operation; at Atty. Datumama Macaindig ng lokal na tanggapan para sa eleksyon sa Las Piñas, bilang preparasyon para sa plebisito ng territorial boundaries na nakatakdang isagawa sa Hunyo 29.

Sinabi ng Comelec na ang pagsasagawa ng plebisito ay para mabigyan ng pagkakataon ang mga residente ng lungsod na bumoto kung sang-ayon ang mga ito o hindi sa isang ordinansa na may kaugnayan sa pagsasaayos ng territorial boundaries ng 20 barangay sa lungsod.

Ibinase sa City Ordinance No. 1941-23 Series of 2023 ang territorial boundaries ng 20 barangay sa lungsod bunsod ng cadastral survey na isinagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) cadastral survey na nakumpleto noon pang Marso 2015.

Sa nabanggit na ordinansa na simula ng pagbubuo ng mga barangay sa bansa noong taong 1978 ay nakasaad na, “the territorial metes and bounds of the said barangays have not been properly identified such that there are barangays whose land areas are not contiguous and/or overlapping with another barangay.”

“Moreover, confusion in the territorial boundaries of the barangays is being encountered which could cause disputes, or be subject of disputes, especially since the cadastral mapping in 1980 for the barangays conflicted with the boundaries as set forth in the Presidential Decrees,” nakasaad din sa ordinansa.

Matatandaan na una nang ipinatupad ang gun ban noong Mayo 28 na magtatagal ng hanggang Hulyo 6 at ang liquor ban naman ay ipatutupad sa Hunyo 28 at 29 bilang preparasyon sa nakatakdang araw ng pagboto ng mga residente sa plebisito sa Hunyo 29 na magsisimula ng 7:00 ng umaga hanggang alas 3:00 ng hapon. (James I. Catapusan)