MANILA, Philippines – Sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga, nadakip ng mga miyembro ng Parañaque City Police ang tatlong drug suspek na nakumpiskahan ng ₱1.4 milyon halaga ng shabu, Miyerkules ng madaling araw, Hunyo 10.
Sa ulat na isinumite ni Parañaque City Police Chief P/Col. Melvin Montante kay Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Joseph Arguelles, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina alyas Ace, 19; alyas Wawa, 21; at isang alyas MJBC—pawang mga residente ng Parañaque at kabilang sa listahan ng lokal na drug watchlist.
Ayon sa imbestigasyon, nalambat ang mga suspek sa ikinasang drug-bust operation ng Parañaque City Police bandang alas-12:15 ng madaling araw sa Barangay San Antonio, Parañaque City.
Nakumpiska sa posesyon ng mga suspek ang dalawang heat-sealed at tatlong knot-tied plastic sachets na naglalaman ng 250 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,428,000; isang sling bag; mobile phone; at ang marked buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para isailalim sa laboratory analysis, habang ang mga suspek ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City Police at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
“This operation reflects SPD’s sustained drive to disrupt the illegal drug trade in close coordination with the directives of our Chief PNP and RD NCRPO. Our intensified operations will continue to target individuals and networks responsible for distributing these harmful substances in our communities,” ani Arguelles. (James I. Catapusan)