MANILA, Philippines – Inilunsad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang imbestigasyon sa umano’y overpriced na mga proyekto ng farm-to-market roads (FMR) na nagkakahalaga ng ₱10.3 bilyon, batay sa datos mula sa Department of Agriculture (DA).
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, nagsumite si Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Laurel ng mga dokumentong naglalaman ng iregularidad sa mga proyekto.
“Nag-submit ng information sa akin si Secretary Kiko Laurel noong isang araw para mapaaral ‘yung mga problema sa mga farm-to-market roads,” pahayag ni Dizon.
Una nang ibinunyag ni Senator Sherwin Gatchalian na ang umano’y sobrang presyo ay katumbas na ng halaga para makapagtayo ng highway mula Maynila hanggang Aparri. Ilan sa mga FMR projects ay umabot hanggang 23 beses ng karaniwang ₱15,000 per meter rate ng DA.
Ayon kay Laurel, maaaring bumaba sa ₱10,000 kada metro ang gastos kung aalisin ang tinutukoy na 30% markup.
Sinabi ng Malacañang na maaaring konektado ang imbestigasyon sa kasalukuyang pagsisiyasat sa mga overpriced flood control projects, bilang bahagi ng mas pinaigting na pagsusuri at pananagutan sa paggastos sa imprastruktura. Santi Celario