MANILA, Philippines – Arestado sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD), katuwang ang Pasay City police, ang dalawang high-value drug suspects na nakumpiskahan ng mahigit ₱1 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa loob ng isang computer shop Huwebes ng gabi, Agosto 13.
Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Glenn Oliver Cinco ang mga nadakip na suspek na kapwa itinuring na mga bagong tukoy na high value individuals (HVIs) na sina alyas Timor, 30, vendor, residente ng Barangay Baclaran, Parañaque City, at isang alyas John Ashley, 25, walang trabaho at residente ng Barangay 145, Pasay City.
Base sa report na natanggap ni Cinco, naganap ang pagdakip sa mga suspek sa ikinasang buy-bust operation ng DDEU kasama ang District Intelligence Division (DID-SPD) katuwang ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasay City police bandang alas 7:35 ng gabi sa isang computer shop sa kahabaan ng Sarhento Mariano Don Carlos Revilla Street, Barangay 146, Pasay City.
Isang undercover police officer na umaktong poseur-buyer ang matagumpay na nakipagtransaksiyon sa isang alyas Timor.
Sa isinagawang operasyon ay nakuha mula kay alyas Timor ang isang heat-sealed na transparent plastic sachet at isang transparent plastic bag na nakatali sa buhol na naglalaman ng hinihinalang shabu at ang buy-bust money habang si alyas John Ashley naman ay nakumpiskahan ng isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at isang light blue na Android smartphone.
Sa kabuuan, humigit-kumulang 150 gramo ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,020,000.
Dinala ang mga naarestong suspek sa tanggapan ng DDEU-SPD para sa dokumentasyon at paghahanda ng mga kasong kriminal.
Inihahanda ang mga reklamo laban kay alyas Timor dahil sa paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession), Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Samantala, kakasuhan naman si alyas John Ashley ng paglabag sa Section 11 (Possession) ng parehong batas.
Pinuri ni Cinco ang mga nagsagawa ng operasyon dahil sa pagkakasamsam ng malaking halaga ng ilegal na droga na hindi na makararating sa mga lansangan.
Binigyang-diin din ni Cinco na patuloy at walang humpay na tututukan ng SPD ang mga high-value drug personalities at sisikaping buwagin ang kanilang mga supply network upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga komunidad sa buong distrito. James I. Catapusan