MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mayroong nakaantabay na 1.3 milyong family food packs (FFPs) ang ahensya upang tugunan ang pangangailangan ng local government units (LGUs) na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na bumabangon matapos ang pananalasa ng mga nagdaang bagyo bukod pa sa hagupit ni bagyong Pepito sa bansa.
Sa ginanap na situation briefing nitong Biyernes (Nobyembre 15) sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa kanyang report kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakahanda ang DSWD upang tulungan ang mga pamilya at indibidwal na apektado ng magkakasunod na pananalasa ng bagyo.
“We maintain a 1.3 million stockpile of FFPs nationwide. We’re not dropping that. Then we’re now utilizing two supply lines. Simultaneously, we’re producing from Central Luzon, Pasay City, and Cebu,” sabi ni Secretary Gatchalian kay Pangulong Marcos.
Dagdag pa ng Kalihim: “We’re already getting our suppliers delivered to us prepacked. So dalawa na. While we’re producing, we’re also receiving prepacked levels.”
Kaugnay nito, sinabi ni Gatchalian na patuloy na pinapalakas ng ahensya ang repacking efforts nito kasabay ng ginagawang procurement para naman sa mga prepacked foods upang mapabilis ang prepositioning ng mga FFPs sa mga lugar na inaasahang tatamaan ng bagyong Pepito.
Kabilang sa mekanismo na pinapagana ng buong bansa kung saan dalawang supply chains ang magkasabay na iniimplementa sa panahon ng kalamidad.
Ang unang supply chain ay nakapokus para sa pagpapahusay ng production capabilities at pagproseso nito sa National Resource Operations Center (NROC) ng DSWD sa Pasay City, Visayas Disaster Resource Center (VDRC) sa Cebu, at iba pang warehouse at storage facilities sa may 16 DSWD Field Offices.
Ayon pa sa Kalihim, ang nasabing sistema ay kasalukuyang gumagana na sa DSWD Central Luzon hub sa San Simon, Pampanga upang mapabilis ang pamamahagi ng relief assistance sa mga pamilya na apektado ng bagyong Kristine.
Binanggit din ni Gatchalian ang second supply chain, kung saan kabilang naman dito ang pagtutulungan ng private sector para mabilis na matugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhang pamilya.
Sabi pa ng DSWD chief na magdaragdag ang ahensya ng daily production ng FFPs ng hindi bababa sa 50,000 at 85,000 kahon kada araw.
Sa nasabing production capacity, aniya, makapagpo-produce ang ahensya ng halos 1 milyong FFPs pagsapit ng Disyembre 7, bukod pa ito sa 1.3 milyong FFPs na nakaantabay. Santi Celario