NEGROS ORIENTAL – Isang pahinante ang nasawi habang kritikal ang driver at isa pang pahinante matapos bumangga sa puno at magliyab ang kanilang cargo van sa Barangay Amdus, Ayungon, Negros Oriental.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng sasakyan ang pababang bahagi ng kalsada noong Miyerkoles, Setyembre 2, nang mawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver dahil sa pumalyang preno.
Bumangga ang van sa isang puno bago mabilis na nagliyab. May karga umanong alcohol ang sasakyan nang mangyari ang aksidente.
Nagawa pang makalabas ng tatlong sakay mula sa nasusunog na van at dinala sila sa ospital.
Gayunman, hindi na umabot nang buhay ang isa sa dalawang pahinante habang nananatiling kritikal ang driver at isa pang pahinante.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at makumpirma ang umano’y pagkasira ng preno bilang sanhi ng aksidente. Mary Anne Sapico