MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kumakalat na impormasyon sa social media na magpapatupad umano ng “one-week duty, two-weeks off” work arrangement para sa mga pulis sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO officer-in-charge Brig. Gen. Christopher Abrahano, walang ganitong polisiya at nananatiling umiiral ang kasalukuyang mga regulasyon ng Philippine National Police (PNP) sa duty hours, shifting at personnel relief.
“Walang katotohanan ’yun, pinaimbestigahan na natin ’yun,” ani Abrahano sa panayam sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City nitong Lunes, Agosto 31.
Paliwanag niya, hindi praktikal ang sinasabing dalawang linggong pahinga dahil kapos na rin umano sa bilang ang mga pulis na kinakailangang i-deploy sa Metro Manila.
Sinabi ng NCRPO na mayroon na itong person of interest at mga lead kaugnay sa pinagmulan ng kumakalat na post.
Gayunman, nilinaw ni Abrahano na patuloy pa ang imbestigasyon at kailangan munang matukoy ang buong pangyayari bago malaman kung may pananagutan ang taong iniimbestigahan.
Ayon sa NCRPO, sinabi umano ng person of interest na nakita lamang niya ang impormasyon sa kanyang page at ipinost ito dahil inakala niyang totoo.
Sinabi ni Abrahano na kung mapatutunayang pulis ang naturang indibidwal, inaasahan dito ang mas mataas na antas ng pananagutan sa pagbabahagi ng impormasyon.
Nauna nang naglabas ng pahayag ang NCRPO noong Agosto 25 na mariing itinatanggi ang parehong “one-week duty, two-weeks off” claim at hinikayat ang publiko na umasa lamang sa opisyal na channels ng pulisya para sa mga anunsyo. Santi Celario