MANILA, Philippines – BANGKAY na nang matagpuan ng mga awtoridad ang isang sampung taong gulang na batang babae sa ilalim ng lababo ng isang apartment madaling araw ng Martes, Sept.10, 2024, sa Barangay Zone 1, sa Atimonan, Quezon.
Ang biktima na sadyang itinago sa alyas na Kenisha kung saan hinahanap ito ng kanyang mga magulang na may ilang oras na nawawala na kaagad na ipinagbigay alam sa Atimonan Municipal Police Station at sa pamamagitan ng CCTV nakita umano ang biktima na pumasok sa isang paupahang apartment.
Napag-alaman na mabilis na tinungo ng mga awtoridad ang nasabing lugar kasama ang pamilya ng biktima na mabilis na siniyasat ang loob ng apartment kung saan dakong 2:20 ng madaling araw nang matagpuan ang biktima sa ilalim ng lababo na wala nang buhay.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng Atimonan PNP kung saan meron na umano silang person of interest hinggil sa pagkasawi ng sampung taong gulang na biktima na isinailalim ang bangkay sa awtopsiya para malaman ang sanhi ng kamatayan. Ellen Apostol