Home METRO 10 parak kinilala ng Napolcom sa pagkakadakip sa suspek sa pagpatay sa...

10 parak kinilala ng Napolcom sa pagkakadakip sa suspek sa pagpatay sa may-ari ng resort sa Batangas

217
0

CAMP VICENTE LIM, LAGUNA- Pinuri at pinasalamatan ng National Police Commission-Calabarzon ang 10 pulis sa kanilang walang sawang pagsisikap na arestuhin ang pangunahing suspek sa pagpatay sa may-ari ng resort sa bayan ng Bauan, Batangas.

“Pinupuri ko ang sampung operatiba ng CIDG at lokal na pulisya sa serbisyo ng warrant kung isasaalang-alang na mayroon man o walang gantimpala na matagumpay nilang naipapatupad ang batas at ang pangangasiwa ng hustisya sa pamamagitan ng wastong serbisyo ng mga utos ng korte,” ayon kay Atty. Owen De Luna, Napolcom-Calabarzon Regional Director.

Inihayag ni De Luna ang kanyang pasasalamat sa Mataas na Kahoy Vice Mayor Jay Ilagan sa pagbibigay ng kanyang monetary incentives sa mga taong magbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga akusado .

“Ipinapakita nito na ang ating komunidad ay nakikipagtulungan sa ating mga alagad ng batas para sa pag-iwas at solusyon sa krimen. Itinataas nito ang moral ng ating PNP at pinananatiling mataas ang tiwala at kumpiyansa ng ating komunidad na kanilang pinaglilingkuran at pinoprotektahan,” ani De Luna.

Inaresto ng pinagsanib na operatiba ng CIDG-Batangas at Bauan Police force ang suspek na si Rolando Mauro, alyas Lando, sa Barangay Sto. Niño, Calapan City, Oriental Mindoro noong Sabado matapos nitong (suspek) magtago ng halos anim na buwan na nagpalipat -lipat ng lugar sa lalawigan ng Oriental Mindoro.

Samantalang ang suspek ay positibong kinilala hinggil sa pagkasawi ng may-ari ng resort na si Carmen Maranan makaraang matagpuan ng anak nito na duguang nakahandusay sa sofa ng kanilang resort na hinihinalang pinalo ang biktima ng flower vase na agarang ikinasawi ng biktima. Ellen Apostol

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here