Home NATIONWIDE 10 Pinoy sa Gaza ‘di pa rin makontak – DFA

10 Pinoy sa Gaza ‘di pa rin makontak – DFA

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa sampung Pilipino sa Gaza Strip ang hindi pa nila nakontak mula noong Biyernes nang maputol ang internet at mga network ng telepono sa lugar sa gitna ng pag-atake ng mga tropang Israel doon.

Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na nakontak lamang nila ang 126 sa 136 na mga Pinoy na nasa Gaza.

“Ang sitwasyon sa Gaza iba po. Hindi maganda ang sitwasyon. Mayroong 136 Filipino nationals sa Gaza. Meron na tayong contact muli sa 126. Sampu pa ang hindi pa natin maabutan, ma-contact simula nung mawala ang telecommunications originally noong Biyernes,” ani De Vega sa isang interbyu.

“Hindi naman sila nagugutom pero alam nilang kapag tumagal pa ‘to eh at saka hindi dumami ang papasok na humanitarian aid, ay baka magsisimula nang magkaroon ng severe lack of water and food,” aniya sa komento ng 126 na Pinoy doon.

Sa kabilang banda, inamin niya na maraming Pilipino ang ayaw umalis sa Gaza.

“Marami talagang hindi tatawid kasi ang sinasabi ng mga Filipina na may asawang Palestinians, hindi sila tatawid kung hindi kasama ang asawa nila. Eh wala pang garentiya ang Egypt na tatanggap sila ng Palestinian nationals. Gusto nila ang mga sugatan lang,” aniya pa.

Kinumpirma ni De Vega noong Martes na anim na Pinoy na kabilang sa isang pamilya ang nagpasya na bumalik sa Gaza City ilang araw na ang nakalipas habang patuloy silang naghihintay ng pagkakataong makatawid sa hangganan ng Rafah patungong Egypt. RNT