Home HOME BANNER STORY 10-point plan vs Super El Niño, inilabas ni Legarda

10-point plan vs Super El Niño, inilabas ni Legarda

1
0

MANILA, Philippines – Inilabas ni Sen. Loren Legarda ang isang 10-point policy action plan na naglalayong mapabilis ang paghahanda at pagtugon sa inaasahang malakas hanggang napakalakas na El Niño.

Ayon sa pahayag na inilabas nitong Lunes, layunin ng plano na maprotektahan ang mga bulnerableng sektor, matiyak ang suplay ng tubig at pagkain, at mabawasan ang panganib dulot ng matinding init at iba pang epekto ng El Niño.

Kasunod ito ng panawagan ni Legarda noong Setyembre 2026 para sa maagang paghahandang nakabatay sa siyensya, gayundin ng paghahain niya ng Senate Resolution No. 733 upang matiyak ang pananagutan at sapat na pondo para sa mga kinakailangang hakbang.

“What we want is a clear plan and action, which is why I filed Senate Resolution 733. We want to know which places and sectors are at the greatest risk, what the priority measures are, and if funding is enough to avoid widespread loss of money and hunger even before the crisis worsens,” ani Legarda.

Dagdag pa niya, “Though we have filed the resolution, we need to act now. We cannot wait for the situation to worsen before we start to act. We should have learned from the past El Niño.”

Binigyang-diin ng senador na kailangan ang mabilis at lokal na pagkilos sa halip na umasa lamang sa mabagal na proseso ng burukrasya. Aniya, dapat maging praktikal, episyente at makabago ang mga solusyon at lubos na magamit ang mga umiiral na pondo at kagamitan.

Narito ang 10 punto ng kaniyang plano:

  1. Maglagay ng imbakan ng tubig-ulan sa mga paaralan – Agarang maglagay ng mga rain barrel at gutter diverter sa mga pampublikong paaralan upang makapag-ipon ng tubig-ulan para sa sanitasyon at maiwasan ang suspensiyon ng klase dahil sa kakulangan ng tubig.

  2. Magbigay ng abot-kayang tubig sa mga pamilya – Magpataw ng karagdagang singil sa mga komersiyal na gumagamit ng maraming tubig para sa mga hindi pangunahing pangangailangan, gaya ng pagdidilig sa golf course at paggamit ng mga swimming pool. Gagamitin ang malilikom upang makatulong sa bayarin sa tubig ng mga pamilyang mababa ang kita.

  3. Protektahan ang mga manggagawa laban sa matinding init – Hikayatin ang mga employer na ilipat sa mas malamig na oras ang mabibigat na trabahong panlabas kapag lumampas sa 42°C ang heat index. Kung hindi ito posible, iminumungkahi ang mandatoryong dagdag-sahod dahil sa panganib dulot ng matinding init.

  4. Suportahan ang mga katutubong tagapangalaga ng kagubatan – Magpatupad ng sistemang Payment for Ecosystem Services upang direktang bayaran ang mga katutubong komunidad na nangangalaga sa mga kagubatan sa mga watershed, na mahalaga sa suplay ng tubig.

  5. Tiyakin ang kaligtasan ng mga mangingisda – Magbigay ng subsidiya at first-aid kit para sa mga sakit at pinsalang dulot ng matinding init sa mga munisipal na mangingisda bilang bahagi ng mga kinakailangan sa pagkuha ng lisensiya sa bangka.

  6. Magbukas ng mga pampublikong cooling center – Makipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan sa mga mall at gawing pahingahan ang mga pampublikong lugar, gaya ng barangay hall, na may lilim, malamig na lugar at inuming tubig.

  7. Palamigin ang mga bahay at gusali – Maglunsad ng programa para sa subsidized na puting pinturang sumasalamin sa init, lalo na sa mga bubong na yero ng mga pamilyang mababa ang kita, upang mabawasan ang init sa loob ng bahay.

  8. Magtayo ng mga hardin sa mga liblib na komunidad – Magtanim ng mga katutubong punong matibay sa tagtuyot at mga halamang-ugat na mapagkukunan ng pagkain sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA). Makakatulong ito sa pagpapanatili ng halumigmig ng lupa, paglamig ng paligid at pag-iingat ng suplay ng tubig sa ilalim ng lupa.

  9. Tulungan ang mga magsasaka na magpalit ng pananim – Magbigay ng conditional cash transfer at tuloy-tuloy na gabay sa mga magsasakang lilipat sa mga pananim na matibay sa tagtuyot upang mabawasan ang panganib sa kanilang kita at mapanatili ang suplay ng pagkain.

  10. Pabilisin ang tulong pinansyal sa mga apektadong sektor – Magpatupad ng awtomatikong parametric climate insurance na magbibigay ng bayad sa mga magsasaka at micro, small and medium enterprises (MSMEs) kapag naitala ang mga itinakdang matinding kondisyon ng panahon, gaya ng 30 araw na walang ulan. Maaari ring maglaan ang People’s Survival Fund Board ng pondo para sa subsidiya sa insurance premium ng mga lokal na pamahalaan para sa mga pamilyang higit na apektado.

Ayon sa plano, layunin ng mga hakbang na ito na mapabilis ang tulong sa mga komunidad at sektor na nanganganib mawalan ng tubig, pagkain at kabuhayan bago pa lumala ang epekto ng El Niño. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here