QUEZON CITY, Philippines – Marami ang naiulat na nasugatan nang bumangga ang isang public utility bus sa 10 iba pang sasakyan sa kahabaan ng eastbound lane ng Commonwealth Avenue, Quezon City, nitong Huwebes ng umaga.
Sa inisyal na imbestigasyon ng District Traffic Enforcement Unit, isiniwalat na ang bus ay bumangga sa isang Toyota Corolla sedan, na nag-trigger ng chain-reaction crash na kinasasangkutan ng maraming sasakyan, motorsiklo, at isang construction site perimeter fence, iniulat ng Quezon City Police District (QCPD).
Ipinahayag ng pulisya na nasira ang konkretong barikada ng Metro Rail Transit-7 construction sa banggaan.
Ayon pa sa QCPD, bukod sa konkretong barikada, napinsala din ng insidente ang isang Toyota Corolla sedan, isang Isuzu UV Express na sasakyan, isang Golden Dragon modern jeepney, isang Isuzu traditional jeepney, anim na unattended na nakaparadang motorsiklo, at ang istraktura ng tent ng Bureau of Animal Industry inspection site.
“Several unidentified passengers sustained physical injuries and were rushed to Rosario Maclang Bautista General Hospital for treatment,” ayon sa pulisya.
Pumalya umano ang air brakes ng bus na naging dahilan ng aksidente.
Ang sangkot na sasakyan ay isang Mersan bus na bumibiyahe mula Sapang Palay, Bulacan patungong Parañaque Integrated Terminal Exchange.
Kinilala ng mga enforcer ang driver ng bus na si “Ronaldo,” 36, mula sa Bulacan.
Inaalam pa ang kabuoang halaga ng pinsala ng aksidente.
Nakatakda namang sampahan ng kaso ng QCPD ang nasabing driver dahil sa reckless imprudence resulting in multiple damage to property and multiple physical injuries. RNT/MND