UNITED STATES — Sampung skiers ang nawawala habang anim ang na-stranded matapos tamaan ng avalanche ang isang grupo malapit sa Lake Tahoe sa Sierra Nevada mountains ng California nitong Martes, Pebrero 17.
Ayon sa Nevada County Sheriff’s Office, naganap ang insidente bandang 11:30 a.m. (Pacific time) sa Castle Peak area sa Truckee, humigit-kumulang 10 milya hilaga ng Lake Tahoe.
Tinangay ng avalanche ang grupo ng 16 katao na binubuo ng apat na ski guides at 12 kliyente.
Hindi bababa sa anim ang nakaligtas at nananatili sa lugar habang hinihintay ang rescue teams, habang ang 10 iba pa ay hindi pa natatagpuan.
Nauna nang nagbabala ang Sierra Avalanche Center na may “high avalanche danger” sa backcountry ng nasabing ski area.
Agad na ipinadala ang mga rescue ski team mula sa Boreal Mountain Ski Resort at Tahoe Donner’s Alder Creek Adventure Center, kasama ang dose-dosenang emergency personnel.
Nanatiling mapanganib ang kondisyon ng panahon sa Sierra backcountry slopes, ayon sa mga awtoridad. RNT/JGC