Home OPINION 10 UTOS DAPAT BANG ILAGAY SA CLASSROOM?

10 UTOS DAPAT BANG ILAGAY SA CLASSROOM?

MAY bagong batas sa Amerika ukol sa 10 UTOS ni Moises o ng Diyos.

Ginawa ang batas sa estado ng Louisiana na nagsasabing dapat nakadisplay ang 10 UTOS sa bawat kwarto ng mga public school mula sa kinder at elementarya hanggang high school at kolehiyo o unibersidad.

Basta nakatatanggap ng pondo o ayuda ang public school, dapat ipatupad ng batas  at sa taong 2025, dapat may 10 UTOS na ang bawat classroom.

Dapat nakasulat nang malinaw at madaling mabasa ang nasabing mga utos sa poster na may sukat na 11 pulgada at 14 pulgada.

Isang linggo pa lang na epektibo ang nasabing batas na ipinanukala ng mambabatas na si Dodie Horton at pinirmahan naman kaagad ni Governor Jeff Landry.

KINONTRA NG MGA RABBI AT PASTOR

Siyempre pa, pami-pamilya ang nagsampa ng kaso sa korte laban sa nasabing batas.

At magtataka ka dahil may mga rabbi o pari ng mga Hudyo at Pastor ng mga Kristiyano na kumontra sa nasabing batas.

Unang dahilan ng mga tumututol ang pagbalewala umano sa First Amendment o Unang Amyenda sa Konstitusyon ng Amerika na naggagarantiya ng paghihiwalay ng estado at relihyon.

May mapapaboran din umano ang batas na relihiyon at mapipilitan na sumang-ayon o mapaloob sa batas ang mga walang paniniwila sa Diyos o may ibang paniniwala o relihiyon na hindi kasali sa kanilang doktrina ang 10 UTOS.

Kapag hindi umano magpasailalim sa 10 UTOS ang mga estudyanteng hindi naniniwala rito, maiitsapwera na rin umano sila sa mga iskul.

Gawa-gawa lang din umano ng kung sino-sino ang umano’y sinabi ng pang-apat na Pangulo ng Amerika na si James Madison na nakabase sa 10 UTOS ang pamamahala ng mga Amerikano sa kanilang mga sarili.

Isa pa, meron na umanong desisyon ang Korte Suprema nila laban sa katulad na batas at nakapaloob ang desisyon sa Stone vs. Graham noong 1980.

Dinispatsa umano ng Korte Suprema ang batas sa Kentucky na nagsasabing dapat nakadisplay ang 10 UTOS sa mga elementarya at high school.

ANG 10 UTOS

Narito ang 10 UTOS ng Diyos na pinag-aawayan ng mga Kano at matatagpuan sa aklat ng Exodus kapitulo 20 at bersikulo 3-17.

1.     Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin; 2. Huwag kang gagawa ng imahen ng anomang nilalang na nasa Langit, nasa Lupa, o nasa Tubig upang sambahin; 3. Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang Pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinomang gumamit nito sa walang kabuluhan; 4. Lagi mong tandaanan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga; 5. Igalang mo ang iyong Ama at Ina; 6. Huwag kang papatay; 7. Huwag kang mangangalunya; 8. Huwag kang magnanakaw; 9. Huwag kang sasaksi sa walang katotohanan laban sa iyong kapwa; 10. Huwag mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa…o anomang pag-aari niya.

O malinaw, mga Bro, ang nasabing mga utos.

Kung may magpanukala sa Pinas ng kaparehong batas, oks lang ba sa inyo o magsasampa kayo ng kaso laban dito?